Ang kanilang tsansang makasalo sa liderato at pakikipagtuos sa kanilang pinakamahigpit na katunggali ang tila nagsilbing inspirasyon para kay Jeron Teng upang magpakita ng isang napakagandang laro.

Kaya naman, hindi maaring itatwa ng kahit sino na si Teng ang pinakamalaking dahilan sa naitalang 88-86 panalo ng DLSU Green Archers laban sa dating solo lider at archrival nila na Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles noong nakaraang Linggo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Dahil sa nasabing panalo, tumabla ang Green Archers sa kanilang biktima sa pamumuno na hawak ang barahang 6-2 (panalo-talo).

Nagsalansan si Teng ng 21 puntos sa first half ng naturang laro, 15 dito ay inilatag niya sa first canto para sa kanilang 19-10 lead at lumobo pa sa 13 puntos na nagbigay daan upang makabawi sila sa 86-97 kabiguan sa Blue Eagles sa first round.

"In the first half, I saw some openings for me so I took it, but in the second half, nag-adjust ang defense sa akin kaya I tried to look for my open teammates," ani Teng, nagposte din ng 6 rebounds at 5 assists sa nasabing panalo.

Kaya naman hindi na nag-atubili ang mga miyembro ng UAAP Press Corps sa paghirang sa kanya bilang UAAP Press Corps-Accel Quantum Plus/3XVI Player of the Week, ang kanyang ikalawa ngayong season.

Ang kanyang naiposteng iskor ay mas mababa lamang ng tatlo sa kanyang career-high na 35 puntos na itinala niya noong 2012 kontra National University (NU) Bulldogs.

Dahil din sa kanyang pamumuno, nahatak ng Green Archers ang kanilang nasimulang winning streak hanggang anim na laban matapos matalo sa unang dalawa nilang laro sa simula ng season sa kamay ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws at ng Ateneo.

Bukod sa kanyang pamumuno sa Green Archers, sa kanilang nakaraang huling dalawang laban kung saan siya nagtala ng average na 27 puntos, pinapurihan din si Teng ng kayang coach na si Juno Sauler sa pagsisilbi nito bilang lider ng kanilang team-oriented play.

"He makes very good reads and he involves his teammates," pahayag ni Sauler. "The reason why the other guys were scoring is not because of the openings they got but because of Jeron recognizing the defense."

Tinalo ni Teng para sa citation na itinataguyod ng Bactigel Hand Sanitizer, Mighty Mom Dishwashing at Dr. J Rubbing Alcohol ang teammate na si Jason Perkins, University of the East (UE) Red Warriors center Charles Mammie at ang mga manlalaro ng Tamaraws na sina Mac Belo at Carl Bryan Cruz.