Nagtatag ang Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng isang special operating unit na tututok sa mga syndikato na kumikilos sa Metro Manila.

Tatawaging Task Force Pivot, kinabibilangan ang special operating unit ng mga highly-trained investigator at iba pang operating unit na tutulong rin sa pagresolba ng mga high-profile case tulad ng pamamaslang kina race driver Enzo Pasto at mamamahayag na si Rubylita Garcia.

Itinuring ni Director Benjamin Magalong, hepe ng PNP-CIDG), ang Task Force Pivot bilang isang “reinforcement” sa mga regular na unit na tutulong sa pagsawata ng krimen sa Metro Manila, partikular sa robbery at pamamaslang.

“Mayroon na kaming natukoy ng mga target upang mapababa ang krimen sa Metro Manila,” ayon kay Magalong.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Ipinaliwanag ng opisyal na kukuha ng 15 team mula CIDG sa pagtatag ng bagong elite task force. Ang bawat team, aniya, ay kinabibilangan ng walong pulis.

Sa tuwing itatalaga ang isang team, ito ay tutulong sa operasyon ng mga lokal na pulisya.

Ayon kay Magalong, target ng bawat team ang mga motorcycle-riding criminal, gun-for-hire at robbery group.

Sinabi ni Magalong na isasailalim sa ebalwasyon ang operasyon ng bawat team para sa kani-kanilang “scorecard” upang madetermina kung sila ay epektibo o palpak sa kanilang misyon. - Aaron Recuenco