ANG magkakasalungat na mga balita kung nais nga ba ni Pangulong Aquino na magsilbi ng isa pang termino at ang mga reaksiyon mula sa iba’t ibang sektor ang umagaw sa headlines ng maraming pahayagan. Dahil dito ay nakapahinga tayo sa mga kaso, kontra kaso, mga expose at counter-expose sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ang balitang hinahangad ng Pangulo na patuloy na pagsilbihan ang bansa ay isang malaking isyu. Ilang buwan na lamang at halalan na sa panguluhan, ang mga interesadong partido ay natural na naglalatag na ng kanilang mga plano bilang suporta sa kanilang mga kandidato. Kung kakandidato ang Pangulo, itataya niya ang record ng kanyang administrasyon. Huhusgahan siya laban sa kanyang sariling record of achievements.
Ngunit mayroong higit na nakataya kaysa record ng Pangulo laban sa kanyang challenger. Nariyan ang pagbabawal ng Konstitusyon na ang isang Pangulo ay maaari lamang magsilbi ng anim na taong termino at hindi na maaaring muling tumakbo. Para muling makatakbo si Pangulong Aquino, kailangan munang maamyendahan ang Konstitusyon.
Ito ay isang mahabang proseso na nananawagan sa Kongreso na muling magpulong para sa joint session upang magpanukala ng mga pagbabago o manawagan ng Constitutional Convention upang magbalangkas ng mga pagbabago. Nariyan din ang ikatlong opsiyon – ang People’s Initiative. Kasunod nito, ang anumang panukala ay kailangang pagtibayin ng mamamayan sa isang pambansang plebisito. Ito ay mangangailangan ng mahabang panahon. Ang anumang hakbang na pabilisin ito ay magiging labis na kaduda-duda.
Matapos ang inisyal na ulat ng pahayag ng Pangulo na bukas siya sa pagtakbong muli bilang pangulo kung ito ang nais ng kanyang mga “boss,” ang taong bayan, sinundan ito ng iba’t ibang mensahe niya sa media. Minsan ay sinabi niya na posibleng mag-eendorso siya ng isang kaibigan. Sa ibang pagkakataon, sinabi ng tagapagsalita ng Malacañang na hindi hinahangad ng Pangulo ang isa pang termino; kundi nais lamang niya na matiyak na ang mga repormamng kanyang sinimulan ay magpapatuloy.
Ito ay nagpatahimik na sa usapin – hanggang sa mga susunod na mga panayam sa Pangulo. Makatutulong na imbes na mga panayam, ang Pangulo at ang kanyang partido, ang Liberal Party, ay maglabas ng isang opisyal na pahayag na naglilinaw sa kanilang hangarin. Dito lamang mailulunsad ang hakbang sa Kongreso na amyendahan ang konstitution upang umayon sa kanilang intensiyon.
Nitong mga nakaraang araw, maraming columnists at commentators ang nagbigay ng assessments sa legacy o pamana ni Aquino, na pinatingkad ng kanyang anti-corruption campaign, ang kanyang “Matuwid na Daan,” ang economic progress na sinukat ng Gross Domestic Product (GDP), at ang highly positive ratings ng international agencies. Ang mga nasa kabilang panig, natural, ay ang PDAF at ang DAP ang tanging makikita.
Pinag-uusapan ng tao ang legacy o pamana pagkatapos o sa nalalapit na pagtatapos ng isang administrasyon. Ang lahat ng pag-uusap na ito tungkol sa legacy ay kailangang ikabahala ng mga malapit sa Pangulo– na tila ba sila ay mga “lame duck,” ayon sa expression sa American politics. At matitigil na ang lahat ng usapang ito.