Pagkaseryoso ni Dong, binago rin niya
MARAMI nang nasulat tungkol sa love story nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, pero mukhang marami pang malalaman ang fans at ang mga kaibigan nila sa relasyon nilang halos anim na taon na ang itinagal hanggang sa plano na nilang pagpapakasal sa December 30, sa Immaculate Conception Cathedral sa New York, Cubao, Quezon City.
Wala pang ibang detalyeng ibinigay ang Primetime King and Queen ng GMA Network sa kanilang Royal Marriage announcement last Friday, maliban sa dalawang best friends ni Marian, sina Ana Feleo at Roxanne Barcelo, na magiging bridesmaids niya.
Nagpadala naman agad si Batangas Gov. Vilma Santos ng mensaheng ‘congratulations, inaanak,’ nang malaman ang plano na nilang pagpapakasal ni Dingdong. Sa ngayon ay pinag-aaralan pa nila kung sinu-sino ang kanilang magiging principal at secondary sponsors. Wala pa ring naiisip na design at gagawa ng wedding gown ni Marian, dahil nag-iiba-iba pa ang taste niya.
Nag-trending ang Kapuso Mo Jessica Soho last Sunday evening nang i-feature ni Jessica Soho ang interview niya kina Dingdong at Marian. Unang itinanong ni Jessica kung magkano ang Harry Winston engagement ring na isinuot ni Dingdong sa daliri ni Marian noong marriage proposal niya sa Marian.
“Hindi po mahalaga ang presyo at ang brand, ang mahalaga ay ang intentions na kasama nito,” sagot ni Dingdong. “Gusto na naming magsimula as a couple. Pareho na kaming sigurado sa isa’t isa at willing akong gawin nang paulit-ulit ang proposal na iyon basta masaya siya.”
“Sigurado na ako kay Dong dahil ipinagdasal ko iyan na bigyan Niya ako ng isang taong magmamahal nang totoo sa akin at siya iyon,” sabi naman ni Marian. “At sa halos six years na naming dalawa, lalo naming nakilala ang isa’t isa.”
Inamin ni Marian na maraming nabago sa kanya simula nang maging magkarelasyon sila ni Dingdong, at malaki rin ang naitulong niya para baguhin din ang pagiging seryoso ng boyfriend.
“Sabi ko sa kanya, huwag niya masyadong seryosohin ang lahat ng bagay. Makulit ako at napapatawa ko siya kahit may problema. Saka siguro, maganda rin na very positive ang mga taong nakapaligid sa amin, ang mama at lola ko, ang mommy at mga kapatid niya, kaya naging magaan ang lahat sa amin nang magsimula ang relasyon namin. Si Dong, alam niya kung ano ang gusto ko na magpapasaya sa akin.”
Pero hindi ang August 9 ang unang marriage proposal ni Dingdong kay Marian, dahil may nauna na rito -- noong August 2, 2012; birthday ni Dingdong, sa MGM Hotel’s Butterfly Dome in Macau. Alam kasi ni Dingdong na mahilig sa butterfly si Marian kaya doon niya dinala ang girlfriend, kasama ang buo niyang pamilya. Hindi nasulat ang unang proposal ni Dingdong, pero iniyakan iyon ni Marian at nai-save niya sa kanyang celfone at binasa ni Jessica sa show: “32 years old na ako, gusto kitang makasama habang buhay, gusto kong maging tatay ng magiging anak mo at gusto kitang maging asawa.”
“Pero mas bongga iyong sinabi niya sa Marian, talagang ngumalngal ako, dahil hindi ko alam na may ganoong plano si Dingdong at nasorpresa talaga ako. Mag-isa niyang ginawa iyon sa tulong ng production staff ng show at naitago nila sa akin iyon,” kuwento ng dalaga.
Kung nagkalapit sa isa’t isa sina Dingdong at Marian sa Pilipino version ng Marimar, sa soap na Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang naman sila nagkaroon ng total commitment sa isa’t isa.
May kambal pala sa lahi ni Marian, kaya hindi nakakapagtaka kung magkaroon sila ng kambal na anak. Ilan ba ang gusto nilang anak?
“Ayaw ko ng isa lamang anak,” sagot ni Marian. “Mag-isa lamang akong anak kaya alam ko ang feeling ng nag-iisa lamang. Kung ilan po ang ipagkakaloob sa amin, handa ako.”
Nagbiro ni Jessica na dapat ay magsimula nang mag-ipon si Dingdong.
“Hindi po kami nagplano kung hindi pa kami ready. Kaya lahat po ay isini-share na namin sa inyo, na naging part ng buhay namin sa simula pa lamang, pero after the wedding, sa amin na po lamang iyon,” biro ni Dingdong.
Hindi ba nagseselos si Marian kahit alam niya na marami ring ibang may gusto sa guwapo niyang boyfriend?
“Noong una arte-arte lang ang selos ko. Pero kapag nakita ko nang parang totoo na, sinasabi ko na hindi magseselos ang isang babae kung walang dahilan. Kaya dapat, ‘stop ka na dahil akin na ‘yan, para masaya ang buhay’.”
Tulad ni Marian na may tattoo na butterfly sa ibaba ng batok niya, si Dingdong naman ay may tattoo na MGD initials sa may binti nito.
“Noong una, kapag tinatanong ako sa meaning ng MGD, sabi ko, “may ginto diyan,” pero ang totoo initial iyon na ibig sabihin, ‘Marian Gracia Dantes.’
Alam na ba ng Papa Frank Gracia ni Marian ang tungkol sa kanilang dalawa?
“Si Dong ang gumawa ng paraan na madalaw namin si Papa sa Madrid, Spain, noong bago kaming magnobyo. Sila lamang dalawa ang nag-uusap noon, alam ko nagkakaintindihan naman sila.”
“Yes, at nang bumalik muli kami sa Spain ni Marian, two years ago, hiningi ko na ang kamay niya sa papa niya at pumayag naman siya.”
Ito ang iniwang mga salita nina Dingdong at Marian sa isa’t isa:
Dingdong: “Halika, umpisahan na natin ang biyahe sa pagbuo ng pamilya natin.”
Marian: “Makakaasa kang habambuhay kitang mamahalin.”