Hiniling sa Court of Appeals (CA) ng isa sa mga akusado sa Maguindanao massacre case na pigilin ang kautusan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) na ilipat siya sa QC jail annex sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.

Sa anim na pahinang petisyon, hiniling ng akusadong si Takpan Dilon, sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Marlon Pagaduan, sa CA ang pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) upang mapigilan ang paglilipat sa kanya sa QC jail annex.

Kabilang sa mga pinangalanang respondent sa petisyon sina QC-RTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes at Judge Genie Gapas-Agbada, na umaasiste kay Reyes.

Nais ni Dilon na mabalewala ang kautusan nina Reyes at Agbada na ipinalabas noong Setyembre 2, 2013 at Hulyo 25, 2014.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa nasabing kautusan, iginiit ni Reyes na dapat ilipat si Dilon sa QC jail annex dahil inihayag na ng prosekusyon na wala na itong balak na kunin ang suspek bilang state witness sa kaso.

Ayon sa kanilang inihain na petisyon, sinabi ng abogado ni Dilon na nagkaroon ng “grave abuse of discretion” sa pagpapalabas ng kautusan na ilipat ng piitan ang kanyang kliyente.

“A TRO was sought due to the seriousness and extreme urgency of the matter involved, as well as the grave and irreparable injuries that he may suffer in the event of implementation of the orders anytime now directing that he be transferred to the QC jail annex, where the alleged principal accused and other accused in the massacre case, are currently detained,” saad sa petisyon ni Dilon.

Iginiit pa ng akusado na ang banta sa kanyang buhay ay tunay at hindi produkto lang ng imahinasyon. - Chito Chavez