Hindi pa man pinagpapawisan ay agad nakasiguro ng puwesto sa ikalawang round ang Batang Gilas-Pilipinas bunga sa nakamit na magandang draw para sa buong iskedyul ng laban sa preliminary round ng 23rd FIBA Asia U18 Championship na gaganapin sa Doha, Qatar sa Agosto 19 hanggang 28.

Ito ay matapos na pinili ng host Qatar na makasama sa grupo ang dalawang sunod at10-beses na naging gold medalist sa pangkalahatan na China, India na ipiprisinta ang South Asia at ang Malaysia na pumangalawa sa Southeast Asia sa Group A ng torneo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang Pilipinas na tinanghal na Southeast Asia champion ay makakasama sa Group B ang Korea na natalo sa China sa kampeonato sa 22nd FIBA Asia U18 Championship sa Ulaanbaatar, Mongolia noong 2012 at ang Jordan na siyang representante ng West Asia.

Ang Group B, na tanging may tatlong koponan sa apat na grupo, ay sigurado na agad na uusad sa ikalawang round ng kompetisyon sa preliminary round anuman ang kanilang maging bilang ng panalo. Makakasama ng tatlong koponan ang top three team sa Group A sa pag-usad sa Group E para sa ikalawang round.

Ang kahalati ng draw ay tinampukan ng top three teams sa Group C at Group D mula sa unang round na magkikita-kita naman sa Group F sa ikalawang round.

Magkakasama sa Group C ang 22nd FIBA Asia U18 Championship bronze medalist na Iran, ang mula sa Central Asia na Kazakhstan at ang dalawang koponan na mula sa Gulf na Kuwait at Bahrain.

Magsasagupa sa Group D ang East Asian trio na Japan, Chinese Taipei at Hong Kong kontra sa West Asia na Iraq.

Ang top four team sa bawat grupo sa ikalawang round ang uusad sa quarterfinal playoffs ng torneo kung saan ang mga laro ay gaganapin sa Al Gharafa Main stadium. Anim na laro ang gaganapin kada araw.

Ang 23rd FIBA Asia U18 Championship ang qualifying event para sa 2015 FIBA U19 World Championship. Ang tatlong mangungunang koponan ang uusad sa FIBA Asia sa 2015 FIBA U19 World Championship.