Ni ALYSSA JANE AVELLANOSA, trainee
MULING binigyan ng sigla at kalidad ni Direk Jun Robles Lana ang Philippine cinema sa pagkakalikha ng de-kalibreng pelikulang Barber’s Tales.
Umani ng parangal ang pelikula mula sa iba’t ibang bansa kabilang na ang Best Director award ni Direk Jun sa nakaraang Madrid International Film Festival at Best Actress Award ni Eugene Domingo mula sa Tokyo. Ang Barber’s Tales ang ikalawang pelikula sa trilogy, nauna na rito ang Bwakaw na pinagbidahan Eddie Garcia.
Binigyan din ng Cinema Evaluation Board (CEB) na “A” rating ang pelikula at ayon sa kanila ay nagpamalas ng tunay na kahusayan sa paglikha ng obra-maestra si Direk Jun at ang pelikula ay “beautifully directed, making it one of the films Filipinos can be truly proud of.”
Maayos na naipabatid ang bawat elemento ng pelikula dahil mismong si Direk Jun ang nagsulat ng istorya. ‘Ika nga, “The film concomitantly bacame a well-helmed work with a script that is thoroughly written with heart and passion.” Nabalanse ni Direk Jun ang drama at komedya. Katuwang niya rito ang mahusay na cinematographer na si Carlo Mendoza. Nakatulong din ang inilapat na musika sa bawat eksena.
Ang Barber’s Tales ay tungkol sa biyuda ng isang barbero, siya ang nagpatuloy sa pagupitang naiwan ng asawa, ang tanging barbero sa kanilang baryo. Magsisimula ang kanyang problema nang pagdudahan ng kanyang mga kababaryo ang pagiging barbera niya, dahil trabahong panlalaki raw ito.
Tampok din sa pelikula ang buhay noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, kung paano naapektuhan ng Martial Law ang pamumuhay sa kanayunan, at kung paano nahitik ng katiwalian sa pulitika ng Pilipinas ang katapangan ni Marilou (Eugene Domingo).
Naipakita rin sa pelikula ang pagbibigay kapangyarihan sa kababaihan at pagpapatunay na kayang hamakin ninuman ang bawat pagsubok basta’t may determinasyon at paninindigan.
Muling napatunayan ni Uge ang pagiging batak niya sa larangan ng pag-arte.
“This is Uge’s finest,” sabi ng mga kritiko mula sa CEB na pinuri rin ang ilang nagsiganap. “Gladys was very convincing, Shamaine (Buencamino) was a reliable performaer, while Sue Prado delivered a worthy performance. Uge’s understated acting was very impressive while Iza Calzado’s stunning beauty did not get in the way of her subtle but sensitive portrayal.”
Ilan sa mga tumatak na eksena sa pelikula ang paghalik ni Cecilia (Iza) kay Marilou at ang pagtatapat ni Marilou kay Tessie (Shamaine) sa katotohanan tungkol sa kanyang pamangkin na si Edmond (Nicco Manalo), na binaril sa isang tulay.
Tampok din sa Barber’s Tales sina Daniel Fernando, Eddie Garcia, at Noni Buencamino.