Balak ng Korte Suprema na ilipat ang tanggapan nito mula sa Padre Faura St., Manila sa Fort Bonifacio sa Taguig City.
Sinabi ni Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te na nais ng Kataastaasang Hukuman na magkaroon ng sarili nitong lupain sa 113 taon nitong paninilbihan sa bayan.
Napag-alaman na ang mga lupain at gusali kung saan nakatayo ang SC building ay pagaari ng University of the Philippines (UP) tulad ng kaso ng Court of Appeals at Department of Justice.
“There’s a plan but we don’t know yet timetable. The funding is being secured for that through the budget (for 2015),” pahayag ni Te.
“We don’t have our own building. That’s the reason for the proposed transfer,” paliwanag niya. Dagdag pa ni Te na ang plano ay inaprubahan ng mga mahistrado nitong nakaraang taon. Ang disenyo at konstruksiyon ng panukalang gusali ng Korte Suprema ay likha ng kilalang arkitekto at urban planner na si Felino “Jun” Palafox Jr.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Appropriations hinggil sa panukalang budget ng judikatura para sa susunod na taon, kabilang sa isinumite ng mga opisyal ng Korte Suprema sa Department of Budget and Management (DBM) ay ang pagbili ng 21,000 metriko kuwadradong lupain sa Fort Bonifacio na nagkakahalaga ng P1.28 bilyon. Ito ay babayaran sa loob ng 10 taon na may annual amortization na P128 milyon.
Kabilang ang panukalang istraktura sa P32.6 bilyong budget na isinumite ng Kataastaasang Hukuman para sa 2015.
Subalit ang inirekomendang budget ng sangay ng ehekutibo para sa Korte Suprema ay P20.28 bilyon o 30 porsiyentong mas maliit sa kahilingan nito.