Ipinag-utos ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang paglalatag ng detalyadong impormasyon hinggil sa lagay ng kalusugan at seguridad ng mga Pinoy peacekeeper sa Liberia at Golan Heights.

Ito ay sa gitna ng lumalalang kaguluhan sa ilang lugar sa Middle East at pagkalat ng Ebola virus sa Africa.

“I had a chance to speak to the President about this lately and ang sabi we’re still trying to see what are the available protection for our soldiers who are there,” pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa panayam ng radyo DzRB.

Sa abot ng kanyang kaalaman, sinabi ni Valte na hindi pa nakapagdedesisyon ang Pangulo kung dapat ay pauwiin na ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagsisilbing peacekeeper sa Golan Heights at Liberia.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Subalit iginiit ni Valte na prioridad ng Pangulo na pangalagaan ang seguridad at kalusugan ng mga sundalong Pinoy na itinalaga sa mga bansang nababalot sa kaguluhan at iba pang krisis.

Kamakailan, isang sundalong Pinoy ang nasugatan sa Golan Heights bunsod ng patuloy na kaguluhan sa lugar.

Sa Africa, nakaalerto ang mga sundalo ng AFP laban sa pagkalat ng nakamamatay na Ebola virus sa Liberia at Sierra Leone, na patuloy na dumadami ang naaapektuhan at nasasawi.

“Ang itinatanong din ng Pangulo, siyempre, ayaw niyang malagay sa peligro ang ating mga sundalo. Maraming mga reported cases and deaths related to Ebola sa Liberia,” ani Valte.

Aniya, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang pangunahing ahensiya na tumututok sa kalagayan ng mga Pinoy peacekeeper sa Middle East at Africa. - PNA