Inaasahang magiging hitik sa aksiyon at matinding bakbakan ang ikalawang komperensiya ng Philippine Super Liga ngayong taon sa pagdayo ng mga koponan mula Italy, Russia at Brazil sa isasagawa nitong GrandPrix Conference sa Oktubre.
Sinabi ni SportsCore Event Management and Consultancy Inc. Chairman Ariel Paredes na siyang nag-oorganisa sa Super Liga na pitong koponan ang kumpirmadong sasali sa susunod na torneo na kung saan maaaring kumuha at magdagdag ng dalawang import o reinforcement na kanilang gusto upang palakasin ang bawat kalahok.
“We have seen some stars and famous names in the lineup of the teams. We can’t divulge the names yet because some teams are still weighing their options or reevaluating the strength of their teams kung kukunin nila ang inilista nilang gustong makuhang players,” sabi ni Paredes.
Gayunman, sinabi ni Paredes na kabilang sa listahan ng mga koponan ang matatangkad na manlalaro mula Russia, Italy at Brazil na kumpirmadong magbibigay lakas sa mga koponang napagiwanan sa pinakahuling komperensiya na napagwagian ng Generika-Army.
“Almost all teams are after dethroning Generika-Army kaya kumuha sila ng malalakas na import para mapalakas ang chances nila na makatuntong sa finals,” sabi pa ni Paredes.
Matatandaang tatlong sunod na komperensiyang nag-kampeon ang Generika-Army saan huli nitong tinalo ang RC Cola Raiders sa ginanap na All-Filipino Conference. Ikatlo ang PLDT Home TVolution habang ikaapat ang AirAsia. Ikalima ang Petron, ikaanim ang Cagayan Valley Rising Suns at ikapito ang Cignal HD Spikers.
Inaasahan din ang matinding aksiyon sa men’s division kung saan tinanghal na kampeona sa ikalawang sunod na pagkakataon ang PLDT Air Force. Ikalawa ang Cignal habang ikatlo ang Systema. Ikaapat ang IEM at ikalima ang Via Mare.