Sa kabila ng pag-ulan ng batikos bunsod nang sunod-sunod na aberya sa Metro Rail Transit (MRT) at lumalalang suliranin sa sektor ng transportasyon, hindi pa rin sisibakin ni Pangulong Aquino si Department of Transportation and Communication (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya.

Ayon kay Presidential Communication Operations Secretary Herminio Coloma Jr., nananatili ang tiwala ni Pangulong Aquino kay Abaya.

Sinabi ni Coloma na patuloy na sinisikap ng DoTC na mapabuti ang serbisyo ng MRT 3 upang hindi na maulit ang insidente nang bumangga ang tren nito sa barrier sa Pasay-Taft station nitong nakaraang linggo na 36 pasahero ang sugatan.

Agad na humingi ng paumanhin si Abaya sa mga commuter matapos ang insidente at nag-utos ng imbestigasyon sa pagkakadiskaril ng tren.

National

‘Naka-red alert!’ PSC, dinoble seguridad ni PBBM matapos ‘assassination threat’ ni VP Sara

“Ang pangunahing inaasikaso po ng ating pamahalaan ay ‘yung pagtiyak sa kaligtasan ng libu-libong mga mamamayan na gumagamit sa MRT bilang backdoor ng ating mass transit system dito sa kalakhang Maynila. Nagsisikap po ang pamahalaan sa pamamagitan ng DOTC na gawin ang lahat para maghatid ng mainam at kapakipakinabang na serbisyo,” dagdag ng opisyal ng Palasyo.

Unang nanawagan ang grupo ng Train Riders Network (TREN) kay Pangulong Aquino na sibakin si Abaya dahil sa imbes na binibigyan nitong solusyon ang mga problema sa sektor ng transportasyon ay nakatutok ito sa eleksiyon sa 2016. (Genalyn D. Kabiling)