“Naniniwala akong namulat ang mata ng national government sa truck ban. Dapat matagal na nila itong ipinatupad.”
Ito ang pahayag ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada nang tanungin ng mga mamamahayag sa kanyang reaksiyon sa mga kritiko ng truck ban na ipinatutupad ng pamahalaang lungsod.
“Dito sa Maynila, ang iniisip namin ay ang kapakanan ng nakararami,” giit ni Estrada.
“E sino ba ang mas nakararami? ‘Di ba ang masang Pilipino?” dagdag ni Erap.
Inulan ng batikos mula sa iba’t ibang sektor ang ipinatutupad na truck ban ng pamahalaang lungsod na malaking balakid umano sa paggalaw ng mga kargamento mula sa Port of Manila at malubhang nakaaapekto sa ekonomiya.
Sa halip na gawin ang paghahatid at pagsundo sa mga kargamento, sinabi ni Erap na mas mainam na gawin ito mula 9:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga kung kailan mas kakaunti ang bumibiyahe sa lansangan.
Aniya, nakatutulong din ang pagbubukas ng “express lane” sa Roxas Boulevard na bukas ng 24-oras para sa mga truck na may kargang perishable goods.
Pinagtawanan lang ng alkalde ang alegasyon na ang truck ban din ang dahilan sa kakulangan ng supply ng produktong manok sa bansa.
“May mga nagsasabi sa amin na may mga estudyante na dati ay kailangan nilang gumising nang alas singko para hindi ma-late. Pero simula noong in-implement ang truck ban they can stay in bed until 6:00 am kasi maluwag naman ang traffic,” paliwanag ni Estrada.
Maging ang mga tindera sa mga karatig lugar ay pinasasalamatan ang pamahalaang lungsod dahil nakaaabot na sa kanilang lugar ang mga kalakal mula Divisoria simula nang ipatupad ang truck ban. - Rizal S. Obanil