Iniaapela ang imbestigasyon ng Kongreso sa umano’y pagpupuslit sa bansa ng mga brand new luxury vehicle na inilulusot sa ilang pantalan sa Mindanao.

Nanawagan si Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal para sa nasabing pagsisiyasat sa pamamagitan ng House Resolution (HR) 1308, na tinukoy niyang may 34 na bagong luxury vehicle ang napaulat na na-smuggle sa bansa sa pagitan lang ng Disyembre 31, 2013 at Pebrero 8, 2014.

Partikular na hiniling ni Oaminal sa House Committees on Good Government and Public Accountability at Committee on Ways and Means ang pinag-isang imbestigasyon sa umano’y limang linggong talamak na car smuggling sa Mindanao.

“Unless and until these furtive activities are addressed and the connections of the smugglers are duly exposed, charged and punished accordingly, the much-ballyhooed government campaign to minimize smuggling will not just be a shot in the wilderness but worse, makes it a laughing stock,” aniya.

National

PNP, nakasamsam ng tinatayang <b>₱20B halaga ng ilegal na droga sa buong 2024</b>

“The situation is totally unfair and unjust to other legitimate importers and businessmen who properly and seasonably pay their taxes and duties in their effort to help the government,” paliwanag pa ni Oaminal.

Aniya, ang mga sinasabing smuggled vehicle, na nagkakahalaga ng P150 milyon, ay napaulat na inilusot sa mga pantala sa Cagayan de Oro City at sa mga sub port sa Misamis Oriental at Ozamis City, pawang nasa Northern Mindanao, bago ibiniyahe ang mga ito sa Metro Manila.

Kabilang sa mga ipinuslit na luxury vehicle ang mga Toyota Land Cruiser at Prado, Range Rover, isang Mercedes Benz at isang BMW.

Sinabi pa ni Oaminal, vice chairman ng Committee on Mindanao Affairs, na ang nasabing mga sasakyan ay napaulat na binili sa Italy at United Arab Emirates, pero idineklara bilang mga piyesa ng sasakyan, kaya naman mabilis lang na nailusot sa mga pantalan.

“This in effect may indicate that some government employees were sleeping on their jobs or worse, were in cahoots with the smugglers,” sabi ni Oaminal, idinagdag na ang mga insidenteng gaya nito ay posibleng maglarawan sa Ozamis bilang “smuggling haven.” (Ellson A. Quismorio)