CHICAGO (AP) – Narinig ni Derrick Rose ang mga hiyaw at ipinakita niya ang dating tikas, habang ang kapwa taga-Chicago na si Anthony Davis ay umiskor ng 20 puntos patungo sa 95-78 na paggapi ng U.S. sa Brazil kahapon sa kanilang tuneup game para sa World Cup of Basketball.
Sa likod ng pag-iingay ng mga fans para kay Rose buong laro, inilabas ni Rose ang ilan sa kanyang MVP moves.
Nakita rin ang kanyang kasiyahan sa kanyang unang appearance sa United Center mula sa kanyang season-ending knee injury at nagtapos na may pitong puntos.
Dinomina ni Davis, na tulad ni Rose ay lumaki sa South Side ng Chicago, ang stretch at pinangunahan ang paghulagpos ng U.S. matapos magawang makipagsabayan ng Brazil sa unang tatlong quarters.
Tangan ang limang puntos na kalamangan papasok sa fourth period, nagpakawala ang U.S. ng 14-2 run upang basagin ang 68-63 na laro.
Inumpisahan ito ni Klay Thompson sa pamamagitan ng pagpapakawala ng isang tres at sa puntong ito na nagtakeover si Davis.
Dalawang free throws ang kanyang naipasok at nablangka ang isang attempt ni Larry Taylor patungo sa isang three-point play ni James Harden.
Isang alley-oop down ang isinunod dito ni Davis upang iangat sa 15 puntos ang abante, at matapos makaiskor ni Leandro Barbosa para sa Brazil, isang jumper naman ang kanyang nakuha. Tinapos ni Harden, na gumawa ng 17 puntos, ang run sa pagpasok ng dalawang free throws para sa 82-65 na bilang.
Umiskor si Tiago Splitter ng 16 puntos para sa Brazil.
Sumigaw ang fans ng ‘’We want Rose!’’ habang ang kanilang paboritong manlalaro ay nanonood sa sideline sa pananalasa ng U.S. Nakuha nila ang gusto nang magbalik ito sa laro sa natitirang 5:20.
Dumating ang fans na suot ang No. 1 jersey ng Bulls – siya ay No. 6 para sa U.S. Binigyan nila siya ng nakabibinging ovation at sumisigaw ng “MVP! MVP!” habang isinasagawa ang introductions at muling nag-ingay nang kanyang kunin ang mikropono upang magbigay ng mensahe sa crowd. Binanggit niya ang mga karahasang nangyayari sa Chicago at ang nasabing laro ay “huge for the city”.
Wala mang kasing dami na star power ang U.S. tulad ng nakaraan, partikular dahil sa pag-atras ni MVP Kevin Durant at iba pa at pagkakatamo ni Paul George ng leg injury. Ngunit nanatili pa ring palaban ang U.S. ang hinawakan ang 29-15 abante sa pagtatapos ng first quarter.
Pinahanga ni Davis ang crowd sa kanyang mga dunk habang umiskor ng walo sa opening period. Naipasok naman ni Stephen Curry ang lahat sa kanyang tatlong pagtatangka at gumawa ng pitong puntos sa quarter.