Isang Pakistani ang namatay matapos na siyam na ulit na pagbabarilin ng isang hinihinalang holdaper, sa Baseco Compound sa Port Area, Manila kahapon ng madaling araw.

Ang biktima ay inilarawang may taas na hanggang anim na talampakan, nasa hanggang 30-anyos ang edad, nakasuot ng asul na T-shirt at jogging pants na seda at may tattoo na “SIDHU” sa kaliwang braso.

Sa ulat ni PO3 Dennis Turla, imbestigador ng Manila Police District (MPD) -Homicide Section, nabatid na dakong 5:50 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa naturang lugar.

Sa salaysay ni Khannafhey Ali, 61, residente ng Block 18 Extension, Baseco Compound, Port Area, dakong 2:30 ng madaling araw nang makarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril ngunit hindi naman niya ito pinansin.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nagulat na lamang umano siya nang mabalitaang natagpuan ang bangkay ng biktima nang lumiliwanag na.

Siyam na tama ng bala sa dibdib, mukha at hita ang tinamo ng biktima na agarang ikinasawi nito.

Hinala ng pulisya na holdap ang posibleng dahilan nang pagpatay sa biktima dahil nawawala umano ang wallet nito at tanging ang cellphone na lamang nito ang naiwan sa kanyang bulsa.

“May nakuha pa kaming impormasyon don na me nagtanong pa daw sa biktima kung nagpapautang siya, ang sabi naman daw nito (biktima) na hindi daw, taga-Quiapo daw siya at may 10 taon na siya sa Pilipinas,” pahayag ni Turla.