Nagkaroon na tayo ng apat na Konstitusyon sa kasalukuyang pangatlong Republika ng Pilipinas – ang 1935 Constitution na binalangkas noong panahon ng Amerikano, ang 1973 Constitution ng Marcos martial law government, ang 1986 provisional Freedom Constitution na iprinoklama ni Pangulong Cory Aquino pagkatapos ang People Power sa EDSA na tumapos sa rehimeng Marcos, at ang 1987 Constitution na binalangkas ng isang Constitutional Commission na itinalaga ni Pangulong Aquino. Ang unang Republika ng Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Emilio F. Aguinaldo ay may sariling Konstitusyon, at gayon din sa pangalawang Repulika ng Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Jose P. Laurel.

Nasunod ang layunin ng bawat isa. Ang 1935 Constitution ay hinango halos lahat sa United States Constitution pati na ang Bill of Rights nito at ang presidential system ng gobyerno. Sa 1973 Constitution, nawala ang Kongreso at nagkaroon ng National Assembly na may isang Prime Minister at isang Pangulo. Ang 1987 Constitution naman ang nagpanumbalik sa dating sistema ng gobyerno ng checks-and-balances.

Sa loob ng maraming taon, nagkaroon ng mga panawagan na amiyendahan ang Konstitusyon bilang tugon sa pangangailangan ng panahon. Minsan, nanawagan si Sen. Aquilino Pimentel Jr. para sa isang federal system ng regional governments, upang ang mga rehiyon, tulad ng Muslim Mindanao, ay magkaroon ng sariling lokal na gobyerno, ngunit ang iba pang rehiyon ay magtatamasa ng parehong autonomy.

Isinusulong ngayon ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang pag-amiyenda ng mga probisyon sa Konstitusyon sa bahagi ng ekonomiya, upang himukin ang mas maraming foreign investment na magnegosyo sa bansa. Malinaw niyang sinabi na limitado lamang sa mga probisyong pang-ekonomiya ang anumang pag-amiyenda, sapagkat kapag binuksan ang buong Konstitusyon sa iba pang pagbabato ay para na ring nagbubukas ng Pandora’s Box ng mga problema.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Noong isang araw, sinabi ni Pangulong Aquino na pinag-iisipan niyang tumakbo para sa kanyang pangalawang termino – na mangangailangan ng pag-amiyenda ng Konstitusyon na may probisyon para lamang sa isang terminong pangulo na walang reeleksiyon. Maraming miyembro ng Kongreso at mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan ang nanawagan din ng kaparehong pag-amiyenda ng probisyon na naglilimita sa kanilang mga taon ng tungkulin – tatlong termino o siyam na taon para sa kongresista, gobernador, at mayor.

Isang perpektong dokumento ng Konstitusyon. Sa Amerika, sinususugan nila ang mga probisyon ng isa-isa lang. Dito sa atin, nagagawa natin iyon sa Kongreso, sa isang botohan ng tatlongkapat ng lahat ng miyembro nito, ang magpanukala ng pagbabago; sa pamamagitan ng isang Constitutional Convention o sa pamamagitan ng People’s Initiative – at ang final approval ng taumbayan sa isang plebisito.

Bilang naturalesa nito, higit na permanente ang ating Konstitusyon kaysa ano pa mang batas at kailangang amiyendahan lamang kung may pinakamainam na dahilan. Sinabi ni Pangulong Aquino na nais niyang limitahan ang kapangyarihan ng Supreme Court. Sinabi rin niya na naniniwala siyang nais ng taumbayan ang pangalawang termino para sa kanya at agad na idinagdag ng iba pang opisyal na sila rin ay karapat-dapat na magkaroon ng mas maraming taon ng paglilingkod. Ang mga dahilang ito ngayon ay kailangang isailalim sa masusing eksaminasyon at sa mas bukas na talakayan. Panonoorin tayo ng buong daigdig, at huhusgahan tayo ng kasaysayan.