Inatasan ang mga kawani at opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na ibalik sa gobyerno ang may P319.85-milyon na mga bonus, allowance at iba pang pinansiyal na benepisyo na umano’y natanggap nila mula 2005 hanggang 2013.

Ito ang ipinag-utos ng Commission on Audit (COA) makaraang maisapinal ng komisyon ang mga notice of disallowance na nagbabawal sa mga gastusin na ibinayad sa mga kawani ng MWSS Corporate Office at MWSS Regulatory Office.

Kabilang sa kabuuang P319.85 milyon ang mga expenditure item na una nang ipinagbawal ng COA makaraang kuwestiyunin ng mga auditor ng ahensiya ang paglalabas ng extra compensation, bonuses at allowances sa mga empleyado ng MWSS noong 2005, batay sa taunang audit report para sa MWSS noong 2013.

Sa nasabing halaga, P210.78 milyon ang napaulat na ibinayad sa MWSS-CO habang ang natitirang P109.07 milyon ay ini-release naman sa MWSS-RO.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inilabas ng COA ang mga notice of disallowance habang patuloy ang pagpoprotesta ng iba’t ibang consumer group laban sa umano’y ilegal na pagtataas ng singil ng Manila Water Corporation at Maynilad Water Services, Inc. na nagseserbisyo sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.

Sa kasalukuyan, mahigit P3 bilyon ang umano’y nakolekta para sa mga water supply improvement project na hindi naman naipatupad.

Ayon sa COA, ang pinakamalaking gastusin sa disallowance list ay ang P60.48-milyon na “various allowances and benefits” na binayaran noong 2005 hanggang 2008 na saklaw ng notice of disallowance (ND) na may petsang Marso 15, 2012.

Ipinababalik din ng COA sa gobyerno ang: P39.56-milyon na performance incentive/productivity incentive/efficiency incentive bonuses, P15.6M welfare fund, P12.56M sobrang Christmas bonuses, P11.79M anniversary bonuses, P9.73M million grocery incentive/ PX mart allowances, P2.72M rice allowance, P8.67M family day allowances, P6.57M year-end financial assistance, P5.82M mid-year financial assistance at P5.47M GOCC incentive para sa 2008.

Natukoy din sa audit report ang mga labis na representation at transportation allowance, cost of living allowances, scholarship allowances, education assistance, extra ordinary expense reimbursements, amelioration allowances, calamity economic allowances at gastusin sa pribadong health insurance plans.

Sa disallowed compensation, tanging P900,000 lang ang ikinokonsiderang final at executory at ang natitira ay iniapela o hindi pa napapasa ang panahon ng apela. (Ben R. Rosario)