Hiniling sa Judicial and Bar Council (JBC) na madiskuwalipika ang isa sa mga nominado para maging Deputy Ombudsman for Visayas.
Sa limang-pahinang reklamo sa JBC ng real estate broker na si Enrico Melchor Sevilla, ginawa niyang batayan sa pagtutol sa nominasyon ni Professional Regulation Commission (PRC) Commissioner Atty. Jennifer Manalili ang nakabimbin nitong kaso ng graft sa Office of the Ombudsman.
Si Sevilla, convenor at founder ng Philippine Institute of Real Estate Service Practitioners Incorporated (PHILRES), ay naghain ng kasong paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) laban kay Manalili.
Bukod kay Manalili, respondent din sa nasabing reklamo ang lahat ng commissioner ng PRC at lahat ng miyembro ng Professional Regulatory Board of Real Estate Service.
Bagamat ibinasura na ng Ombudsman ang reklamo ni Sevilla noong Hunyo 17, 2014, naghain siya ng motion for reconsideration, na hindi pa nadedesisyunan ng anti-graft body.
Dahil wala pa umanong pinal na resolusyon sa kanyang reklamo, iginiit ni Sevilla na ang kaso ay buhay pa rin.
Sa ilalim ng mga panuntunan ng JBC, madidiskuwalipika ang mga nominadong may nakabimbing kaso.