May mga inaanak ko sa kasal na tatawagin natin sa pangalang Andrea at Carlos. Sa unang taon ng kanilang pagsasama bilang magasawa, hindi agad nagbunga ang kanilang pagmamahalan kung kaya hindi naman sila nabahala. Sa ikalawang taon nila, hindi pa rin sila nagkaanak at dito na sila nabahala. Sinimulan nilang magdasal araw-araw, hiniling nila sa Diyos ang isang supling.

“Minsan, nagdarasal kami ni Carlos nang may matinding kabiguan sa aming puso,” ani Andrea sa text message niya sa akin noon. “Minsan naman, nagdarasal kami nang may kumpiyansa na parang sure na sure na pagbibigyan ng Diyos ang aming kahilingan. Pero mas madalas ang pagdarasal namin na nanaroon ang pakiramdam ng kawalan ng pag-asa.” Lumipas ang mga araw at natuklasan na lamang ni Andrea na naglilihi na siya. Ngayon, ang tatlong taong gulang na si Charles Andrew ang nagpapaligaya sa kanilang buhay. May mga kaibigan din sina Andrea at Carlos na naghahangad ding magkaanak. Nagdasal din sila sa Diyos upang sila ay biyayaan ng supling ngunit nagpasya na lamang silang mag-ampon kalaunan. Hindi na kasi kakayanin ng babae na magbuntis dahil sa isang komplikasyon sa

kanyang obaryo.

Ang parehong mag-asawa ay humiling sa Diyos ng anak, ngunit isa lamang ang pinagbigyan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ito rin ang nangyari kay Sarah sa isang kuwento sa Mabuting Aklat. Sa pamamagitan ng pananampalataya, humiling din siya sa Diyos ng lakas upang magkaroon ng bunga ang kanyang sinapupunan. Ngunit salungat naman ang nangyari kay San Pablo nang hilingin niya sa Diyos na tanggalin ang kung anong “tinik sa kalamnan” niya. Sumagot ang Panginoon, “Sapat ang biyaya ko sa iyo” at nanatili kay San Pablo ang “tinik”. Maging si Jesus ay nagdasal din; hiniling Niya sa Ama na alisin sa Kanya kalis ng pagdurusa sa Kalbaryo ngunit idinagdag Niya, “Hindi ang akin kundi ang loob Mo ang masusunod”.

Panginoon, pagbigyan Mo man o hindi ang aming mga kahilingan dahil sa masidhing pangangailangan, sumasampalataya kami sa Iyo. Tulungan Mo kaming hangarin ang Iyong nais para sa amin. Amen.