Bunsod na sunud-sunod na aberya ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3, nanawagan ang isang commuters’ group sa pagbibitiw sa puwesto ni Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya.
Sa isang official statement, inabi ng Train Riders Network na ang pagbulusok ng tren ng MRT 3 sa Pasay-Taft station ay senyales ng kapabayaan sa panig ng kalihim na dapat ay siyang magtitiyak na ligtas at maaasahan ang MRT at iba pang pampublikong transportasyon.
“Palagi siyang abala sa 2016 elections. Kung walang delicadeza si Abaya, nananawagan kami kay Pangulong Aquino na tanggalin siya sa puwesto,” pahayag ni James Relativo, tagapagsalita ng TREN.
Nanawagan din ang grupo sa national government na baguhin ang estilo ng pamamahala sa MRT system at ipatupad ang regular na pagmimintina sa mga tren nito upang hindi na maulit ang nangyaring aksidente noong Huwebes ng hapon kung saan 36 pasahero ang nasugatan.
“The MRT’s original design and size do not fit the needs and potential of Metro Manila commuters as of late. Also, we are open to the idea of a full government takeover of the private (mis)management, as provided by the Constitution,” pahayag ni Relativo.
Samantala, iginiit ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na walang ipatutupad na balasahan si Pangulong Aquino sa DOTC o MRT.
“Ang gusto po ng Pangulo ay masigurado ang kaligtasan ‘nung mga libu-libong sumasakay sa MRT. Talagang ‘yung mga nakaraang insidente po talaga ay wala namang hong merong—ginustong mangyari ‘yon, and it’s very unfortunate,” pahayag ni Valte sa panayam ng radyo DzRB. (ulat nina Carlos Suerte Felipe at JC Bello Ruiz)