Ni JC Bello Ruiz

Bagamat naniniwala ang kampo ni Vice President Jejomar C. Binay na hindi muling tatakbo si Pangulong Aquino sa 2016, nagpahayag naman ng kahandaan ang Bise Presidente na sabayan niya si PNoy kung sakaling magbago ang hihip nito sa pagsabak sa halalan sa pagkapangulo sa pagsusulong ng kanyang mga kaalyado ng charter change sa Kongreso.

Sinabi ni Joey Salgado, tagapagsalita ni Binay, na malaki ang respeto ni Binay sa Pangulo at babalewalain ng huli ang isinusulong na cha-cha ng Liberal Party.

Nang tanungin ng mga mamamahayag sa pagbisita nito sa Albay noong Biyernes kung handa itong sabayan si Pangulong Aquino kung ito ay muling tatakbo sa 2016 presidential race, tugon ni Binay: “Opo.”

National

Hontiveros, nauunawaan ilang senador na binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill

Subalit iginiit ni Salgado na hindi diretso ang naging sagot ni Binay sa tanong. “President Aquino did not make a categorical statement that he will run in 2016.” Ani Salgado, pinipilipit lang ang mga pahayag ni PNoy upang ipagsabong sila ni Binay.

Sa kabila nito, binigyang diin ni Salgado na ang kandidatura ni Binay sa 2016 ay hindi depende sa pipiliing kandidato ng ibang partido subalit ang pakay nito ay makapagbigay ng tunay na serbisyo sa mga mamamayan at ipagpatuloy din ang nasimulan na reporma ni Aquino.

Naniniwala rin ang kampo ni Binay na ang pagsusulong ng cha-cha ay magreresulta lamang sa pagkakahati-hati ng sambayanan at pagbabanggaan ng tatlong sangay ng gobyerno na kinabibilangan ng Hudikatura, Lehislatura at Kongreso.