Ituturo na rin ang boksing at 3-On-3 basketball sa lingguhang Philippine Sports Commission (PSC) Laro’t-Saya, PLAY N LEARN sa lungsod ng Cebu at Bacolod.

Sinabi ni PSC Research and Planning chief Dr. Lauro Domingo Jr. na nagkaroon ng soft opening ang PSC Laro’t-Saya sa Sugbo Plaza noong Biyernes ng gabi sa downtown Cebu kung saan ay nagpartisipa ang mga empleyado ng mga ahensiya ng lokal na pamahalaan.

Napag-alaman naman kay Alona Quintos, PSC Coordinator na ipinadala sa lugar upang imonitor ang aktibidad, na mainit ang naging pagtanggap sa implementasyon ng programa na dalawang beses isasagawa kada linggo. Unang gaganapin ito tuwing Biyernes sa ganap na alas-5:30 ng hapon hanggang alas-7:30 ng gabi para sa mga empleyado at tuwing Linggo para naman sa publiko.

“Maganda ang response ng mga taga-Cebu sa programa natin with Mr. Ed Hayco on top. Here, I can say it will go a long way as they have 10 sports here for a start, aero, arnis, badminton, karatedo, boxing, taekwondo, sepaktakraw, volleyball at chess. Mr. Hayco is planning more sport pa like dancesports in the park,” sinabi ni Quintos.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Magkasabay namang ilulunsad ng Bacolod at Cebu sa Setyembre 7 ang programa ng PSC na inendorso ng Palasyo ng Malakanyang bilang unang hakbang para sa mga pamilyang Pilipino na matuto ng iba’t ibang sports at maalagaan ang kanilang katawan kung saan ay pinakatampok ang boksing at 3-On-3 basketball.

Dumalo naman sa pagsisimula ng programa si Cebu City Mayor Michael Rama habang nagkumpirma ng kanyang pagdalo si Bacolod City Mayor Monico Puentevella upang personal na pamunuan ang magarbong pagbubukas ng programa sa bagong gawang lagoon sa harap mismo ng katatapos lamang na itinayong munisipyo.

Samantala, hindi naman maisasagawa ang PSC Laro’t-Saya sa selebrasyon ng Kadayawan Festival sa Davao City matapos na iusog ang paglulunsad sa programa habang aprubado na rin ang event sa lungsod ng Paranaque.

Umabot naman sa kabuuan na 278 katao ang nagpartisipa sa Liwasang Aguinaldo sa Kawit, Cavite kung saan 175 sa aerobics, 49 sa badminton, 16 sa taekwondo at 38 sa volleyball.

Ikinatuwa naman ni PSC area coordinator Christine Abellana ang kahilingan ng mga magulang na ganapin tuwing Sabado at Linggo ang programa sa Kawit bunga ng magandang epekto sa kalusugan at maging sa kanilang mga anak na masayang natututo sa taekwondo, volleyball at badminton.