Ni Rizal Obanil

“Ayan ay hindi katanggap-tanggap. Malinaw ang Konstitusyon hinggil d’yan (termino ng pangulo). Anim lang ang puwede at ‘yan na ‘yan.”

Ito ang naging pahayag ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada nang tanungin ng mga mamamahayag hinggil sa kanyang reaksiyon sa isinusulong ng partido ng administrasyon na pagpapalawig sa termino ni Pangulong Aquino.

Unang nagtangkang iwasan ni Estrada ang isyu subalit kalaunan ay nagbigay din ito ng pahayag sa isinusulong na term extension kay PNoy.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Matuwid pa ba?” pagalit na tanong ni Erap nang ipaalala ng media ang ibinabandera ni PNoy na “Daang Matuwid.”

Naniniwala na hindi magtatagumpay ang isinusulong na charter change o cha-cha tulad ng nangyari sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos at Gloria Macapagal Arroyo.

Sinabi ni Erap na hindi dapat balewalain ni PNoy ang pamanang iniwan ng kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Corazon C. Aquino sa hindi pagkagat sa mga pambubuyo sa pagpapalawig ng kanyang termino sa Malacañang.

“Hindi ba’t naging posible yan (term limit) dahil sa 1987 Constitution. Na s’ya namang pamana ng kanyang Nanay.”

Sa kabila nito, umaasa pa rin si Erap na hindi na tatakbo si PNoy sa pagkapangulo matapos ang kanyang termino sa 2016.