Ipinagtanggol ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. ang accuracy ng precinct count optical scan (PCOS) machine na binili ng poll body at ginamit noong 2010 at 2013 elections.
Sa kanyang pagdalo sa Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System, na co-chairman ni Sen. Aquilino Pimentel Jr., sinabi ni Brillantes na nang may naghain ng electoral protest ay binuksan nila ang balota at napag-alaman na walang discrepancy sa automated system.
"In the past two elections (2010 and 2013) where we used the same machines regarding the results, we opened so many protest cases…none of the protest cases has succeeded. Up to now, not a single error has been committed. There are errors one or two but they could not affect adversely the results of the elections,’’ giit ni Brillantes.
Subalit inamin ni Brillantes na nagkaroon ng ilang problema sa automated voting process, tulad ng pagpapalit ng mga PCOS machine, CF card at transmission ng resulta ng botohan na hindi, aniya, dapat isisi sa mga makina.
Dagdag pa ng Comelec chief, umabot sa 58 ang election protest noong 2013 at 98 noong 2010 subalit wala ni isang protesta ang nanalo sa dalawang halalan.
Sinabi ni Senator Ralph Recto na lolobo ang panukalang 2015 Comelec budget sa P16.8 bilyon o anim na beses kumpara sa 2014 budget na P2.8 bilyon.
Sinabi ni Recto na gagamitin ang P3.76 bilyon mula sa Comelec budget sa pagbili ng 41,800 PCOS machine sa presyong P90,000 bawat isa. - Mario B. Casayuran