Ni Ellson A. Quismorio

Gamit ang isang rosary na dating pag-aari ng yumaong Pope na si Saint John Paul II, aabot sa 2,000 beses kada araw nagrorosaryo ang tinaguriang “pork barrel scam queen” Janet Lim Napoles mula sa kanyang piitan.

Matapos ang pagdinig sa kanyang petisyon makapagpiyansa sa Sandiganbayan Third Division, ipinakita sa mga mamamahayag ni Napoles ang kanyang marmol na rosary na ibinigay umano ng Papa na kailan lang ineklarang isang santo ng Vatican.

“Nung buhay pa siya,” sabi ni Napoles nang tanungin ng isang mamamahayag kung kailan niya natanggap ang rosaryo mula sa tinaguriang “Saint Paul the Great.”

National

Bagyo sa labas ng PAR, pinangalanan nang ‘Romina’; Signal #1, itinaas sa Kalayaan Islands

“May seal ‘yan ni Pope,” inihayag ni Napoles, habang pinagpipiyestahan ng media ang rosaryo gamit ang kanilang mobile phone camera.

Matapos ang ilang minuto, tinangay na ng pitong guwardiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kontrobersiyal na negosyante na nakasuot ng Chuck Taylor rubber shoes, dilaw na polo at maon na pantalon papalabas ng korte.

Si Napoles ay kasalukuyang nakapiit sa high-security BJMP building sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang nahaharap sa kasong plunder kaugnay sa P10 billion pork barrel fund scam.

“She’s praying 2,000 rosaries every day. Even then kahit nung wala pa siyang kaso. That’s why until now, every day naman siya nagmimisa eh,” pahayag ni Stephen David, lead counsel ni Napoles.

“Yes, 2,000 rosaries a day and several... yung straight from the heart,” pahayag ni David.

Ayon pa sa abogado, ginastusan ni Napoles ang edukasyon ng mahigit sa 200 pari at pagpapatayo ng mga simbahan sa bansa.

“Ganun siya kadikit sa Simbahan. Maraming simbahan siya na pinatayo. Nabisita ko yung isa kung saan nandun mismo pangalan nila na sila nagpatayo,” kuwento ni David.

Ayon pa kay David, palaging ibinibida ni Napoles ang rosaryong galing kay Saint John Paul II na ibinigay umano noong bumisita ang dating lider ng Simbahan sa Pilipinas.

Subalit hindi matukoy ni David kung ito ay noong Pebrero 1981 sa beatification ni San Lorenzo Ruiz o Enero 2005 upang pangunahan ang World Youth Day.