Sa harap ng paghahanda para sa 2016 elections at ang pagpapahayag ni Pangulong Aquino na pinag-aaralan niya ang mga panawagang tumakbo siyang muli sa panguluhan kahit ipinagbabawal ng Konstitusyon, ang pangangailangang tanggalin ang lahat ng pagdududa tungkol sa PCOS machines at automated elections bago ito maging kritikal.
Una rito, naghain si Sen. Aquilino Pimentel III, chairman ng Senate Electoral Reforms at ng People’s Participation Committee, ng isang resolusyon na nananawagn para sa isang Senate inquiry hinggil sa accuracy at integridad ng PCOS machines na ginamit ng Commission on Elections (Comelec) noong 2013 elections. Ito ang mid-term election para sa mga senador, magugunitang nagkaroon ng nakapagtatakang pare-parehong 60-30-10 percentage ng mga boto sa majority, minority, at iba pang kandidato sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
At kailangang banggitin na ito ang mga PCOS machine din na mga ito ang ginamit sa presidential elections noong 2010. Habang hindi naman kinuwestiyon sa pagwagi ni Pangulong Aquino, nagprotesta ang kanyang running mate na si Mar Roxas sa pagkapanalo ni ng ngayo’y Vice President Jejomar Binay at magpahanggang ngayon ay hindi pa nareresolba ang kanyang protesta.
Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan hinggil sa source code na bubuksan dapat ng Comelec upang repasuhin ngunit sa ilalim ng kung anong security arrangement lamang ang kinuwestiyon ng ilang citizens groups ang integridad ng halalan. At ang mga kuwestiyon hinggil sa posilibidad ng hindi awtorisadong transmisyon ng mga resulta ay nanatiling hindi nareresolba. Gaya nga ng sinabi ng isang eksperto, kung nais mong mandaya sa eleksiyon, kailangan mo lamang ang umupa ng isang magaling na hacker. Ngunit mga posibilidad lamang ang lahat ng ito; walang aktuwal na iregularidad ang nailutang.
Ngunit nananatili ang pagdududa. At naging mas matindi pa ito habang papalapit ang 2016. Humiling ang Comelec ng mas malaking budget sa halagang P16.8 bilyon para lamang sa mga preparasyon, kabilang ang pagbili ng 41,800 bagong PCOS machine. Sinabi ni Sen. Ralph Recto - nagkokomento sa hiling ng Comelec ng P16.8 bilyon na anim na beses ang dagdag kaysa ginastos ng ahensiya noong 2014 midterm elections – na naniniwala siya na hindi iyon papansinin ng Filipino taxpayers magkaroon lamang ng isang malinis na halalan.
Ngayon ipinahayag ni Pangulong Aquino na maaari siyang tumakbo para sa reeleksiyon, gayong mangangailangan ito ng pag-amiyenda ng Konstitusyon, kaya lalong nabahala ang ilang sektor ng oposisyon. Inalis na ng Constitutional Commission of 1987 ang presidential reelection bilang bahagi ng reporma ng Saligang Batas dahil sa napakaraming kapangyarihan ng panguluhan na maaaring gamitin ng kahit na sinong reeleksiyonista.
Mapahuhupa lamang ang mga pagdududang ito kung magiging mas bukás ang Comelec sa pagkakataong ito kaysa nakalipas at gumawa ng mga hakbang upang matiyak na ang mga PCOS machine kasama na ang lahat ng pag-iingat, tulad ng mga source code, ay kailangang lumapat sa inaasahan ng lahat, walang kuwestiyon mula sa oposisyon o ninuman ang hindi nasasagot.