Naghain ng kasong graft and corruption ang Office of the Ombudsman laban kay dating Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Augusto Syjuco Jr. at sa may bahay nitong si dating Iloilo Congresswoman Judy Syjuco dahil sa paglulustay umano ng huli sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Kabilang din sa mga inireklamo sa Sandiganbayan sina dating TESDA Deputy Director General for Field Operations Santiago Yabut Jr.; at Maria Nela Yniesto, pangulo ng Tagipusuon Cooperative.

Inakusahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang mga respondent na hinuthot ang pondo ng gobyerno na dapat sana’y para sa lehitimong benepisyaryo subalit inilihis sa mga hindi kuwalipikadong non-government organization (NGO) na itinayo ng mga Syjuco.

Aniya, may probable cause na nilabag ng apat na respondent ang Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act hinggil sa isyu.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nag-ugat ang kaso sa umano’y paggamit ni Congresswoman Syjuco ng P20 milyon na idinaan sa TESDA, ipinalabas at ipinatupad ng Tagipusuon Cooperative na itinatag ni Syjuco.

Sinabi ni Morales na ang P15 milyon mula sa PDAF ay ipinambili ng school uniform, notebook, school bag at supply para sa public at elementary school sa ikalawang distrito ng Iloilo.

Ang pondo ay orihinal na inilaan sa TESDA scholarship program para sa technical at vocational skills training para sa middle-level manpower.

Ayon pa kay Morales, lumagda ang mag-asawang Syjuco sa memorandum of agreement kina Yabut at Yniesta noong Disyembre 2005 upang palabasin na ang Education for All Projects ng kongresista ay bahagi ng scholarship program at lumitaw na ang paggamit ng P20-milyong pondo ay lehitimo. - Jun Ramirez