Cincinnati (AFP)– Ginulat ni Tommy Robredo si world number one Novak Djokovic kahapon sa Cincinnati Masters, habang naiwasan naman ni Roger Federer ang ma-upset kontra Frenchman na si Gael Monfils.

Pinatalsik ng mula Spain na si Robredo, 16th seed sa US Open tune-up, si Djokovic, 7-6 (8/6), 7-5, isang linggo matapos matalo ang world number one Serb sa ikatlong round sa Toronto.

Ang Wimbledon champion ay magtutungo sa US Open, ang huling Grand Slam ng taon na mag-uumpisa sa Agosto 25, na kapos sa matches at kumpiyansa.

Pinahinto ng second-seeded na si Federer, isang five-time Cincinnati champion, si Monfils, 6-4, 4-6, 6-3.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Umabante siya sa quarterfinal round at makakaharap ang eighth-seeded Scot na si Andy Murray, na kinailangan ang mahigit dalawang oras na laban sa malalakas na serve ni John Isner bago nadispatsa ang American, 6-7 (3/7), 6-4, 7-6 (7/2).

Si Djokovic, ikinasal noong nakaraang buwan at malapit nang maging ama, ay nagsabing hindi dahilan ang mga pagbabago sa kanyang buhay sa kanyang mga pagkatalo.

“I just lost the match,” aniya. “It was bad. Many, many things are not clicking these two weeks on hard courts. It’s unfortunate, but it’s more than obvious I’m not playing even close to what I’m supposed to play.”

“I have to keep on working and trying to get better for the US Open. I just don’t feel comfortable. That’s it.”

Natuwa si Robredo na mapanalunan ang ikalawa lamang na laban sa kanyang ikawalong pakikipagharap kontra sa isang world number one player. Natalo niya ang dating top-ranked na si Lleyton Hewitt sa Roland Garros 11 taon na ang nakalilipas.

“It’s amazing to be here playing and to beat the number one, I’m more than happy,” saad ng 32-anyos na si Robredo, na sunod na makakatapat ang kababayang si David Ferrer na nagmula sa kanyang 7-5, 6-0 panalo laban kay Mikhail Youzhny.

Si Murray, sa kanyang layong makakuha ng unang titulo mula noong 2013 Wimbledon, ay nahirapang maibalik ang porma mula nang magbalik mula sa isang back surgery noong Enero.

“It’s a very important match for me to win,” ani Murray. “I had lost a few close matches over the last few months. It was important for me to come through.”

Sa iba pang laban, nanaig ang Australian Open champion na si Stan Wawrinka laban sa Croatian na si Marin Cilic, 3-6, 6-0, 6-1.

Sunod niyang makakalaban si Julien Benneteau ng France na napatalsik naman si Jerzy Janowicz, 7-5, 6-1.

Ang fifth seed na si Milos Raonic ay sumandal sa kanyang ika-30 ace para sa match point matapos ma-double fault ng tatlong beses habang nagse-serve para sa panalo.

Tinalo ng Canadian ang American na si Steve Johnson, 6-7 (7/9), 6-3, 7-6 (7/4) at sunod na makakaharap ang Italian 15th seed na si Fabio Fognini. Nadispatsa ni Fognini si Lu Yen-Hsun ng Taiwan, 3-6, 6-3, 6-3.