Ni Jeffrey G. Damicog at Rommel P. Tabbad

“Kaliwa’t kanan.”

Ito ang naging tugon ni whistleblower Benhur Luy at iba pang kasamahan nito nang pineke nila ang mga lagda sa mga dokumento na ginamit upang makakubra sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Samantala, aminado si Luy na tumanggap ito ng P4 milyon bilang komisyon kay “pork barrel scam queen” na si Janet Lim Napoles kaugnay sa PDAF scam.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Paliwanag ni Luy, nagsimula ang pagtanggap nito ng komisyon sa mga naisara nitong transaksiyon sa JLN Corporation na pag-aari ng kontrobersiyal na negosyante.

Sa pagdinig ng Sandiganbayan First Division sa bail petition ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. at kanyang iba pang kapwa akusado, sinabi ni Luy sa korte na inatasan siya ni Napoles na gamitin ang kanilang dalawang kamay sa pamemeke ng mga lagda na kakailangan sa liquidation documents sa PDAF project.

“Kaliwa para pangit ang pirma,” pahayag ni Luy sa korte.

Pinaliwanag ni Luy na nais ni Napoles na pangit ang mga pirma upang ito ay magmukhang kapanipaniwalang lagda ng mga magsasaka.

Kung uubra sana ang thumb mark, sinabi ni Luy na mas gusto ito ni Napoles para sa mga dokumento.

Karamihan sa mga pekeng lagda ay mula kay Napoles at kanyang mga anak na sina Jo Christine at James Christopher, ayon kay Luy.

Sa isinagawang crossexamination, iginiit ni Luy na walang delivery ang nangyari para sa mga benepisyaryo ng PDAF projects.

Noong 2008, naalala ni Luy kung paano niya, kasama ang ilang opisyal at empleyado ng National Agribusiness Corporation (NABCOR), bumisita sa isang bodega ni Napoles sa Bulacan upang kunan ang mga sprayer na nakaimbak doon at ipalabas na kabilang ang mga ito ay dumating na at naipamahagi na sa mga magsasaka.