Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang pasyenteng nangangailangan ng tulong medikal, anuman ang katayuan o estado nito sa buhay, ang maaaring tanggihan ng anumang health facility, pampubliko man ito o pribado, lalo na’t kung ang kondisyon ng pasyente ay maituturing na emergency case.

Ito ang nilinaw ni Health Secretary Enrique Ona kasunod ng ulat na isang 10-taong gulang na batang babae ang nasawi matapos na tanggihang i-admit ng isang pribadong ospital dahil sa pagkabigo ng pamilya nito na makapagbigay ng P30,000 deposito sa pagamutan.

“Every Filipino, regardless of status in life, should have equal access to healthcare. This is the essence of Kalusugan Pangkalahatan (KP),” ani Ona, sa isang kalatas. “The law states that all cases should be treated and admitted, if necessary, by a hospital.”

Kumalat sa social media ang ulat na namatay si Jannari Chan, 10, dahil sa congenital heart disease, diabetes at kidney problem noong Hulyo 16 matapos hindi tanggapin sa Butuan Doctors Hospital (BDH) dahil sa kawalan ng sapat na salaping pang-deposito ng kanyang inang si Tutz Salarda-Chan.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sinabi ng ginang sa kanyang Facebook account na una nilang dinala ang bata sa San Francisco Doctors Hospital (FDH) sa Agusan del Sur noong Hulyo 13, ngunit pinayuhan silang ilipat ito sa BDH na mas kumpleto sa mga pasilidad at equipment.

Pasado 8:00 ng gabi umano ng Hulyo 15 nang dalhin nila sa BDH ang bata sakay ng ambulansya kasama ang dalawang nurse mula sa FDH ngunit tinanggihan sila ng admission staff ng BDH dahil P10,000 ang dala nilang pera sa kabila ng pakiusap ng ina.

Dahil dito, napilitan si Salarda-Chan na ilipat na lamang ang anak sa ibang ospital sa Davao City ngunit hindi na ito umabot pa at nalagutan ng hiniga dakong 3:00 ng umaga ng Hulyo 16.

Tiniyak ng DOH na paiimbestigahan nila ang naturang insidente.