Anim na taong pagkakakulong ang ipinataw na parusa ng korte sa dalawang Bulgarian na nahuling naglalagay ng skimming device sa isang Automated Teller Machine (ATM) sa isang mall sa Pampanga.

Sinabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, chief police information officer, na napabilis ang pagresolba sa kaso matapos magpasok ng guilty plea sina Mladenoy Emil Stoyanov at Kanev Lyuben Georgiev sa paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device Regulation Act of 1998.

Pinagmulta rin ni Judge Divina Luz Aquino-Simbulan ng Angeles City (Pampanga) Regional Trial Court (RTC) ang dalawang banyaga ng tig-P20,000 para sa kasong inihain laban sa kanila.

Naaresto ng mga tauhan ng Police Anti-Cybercrime Group sina Stoyanov at Georgiev habang nagkakabit ng isang skimming device sa PIN pad ng isang ATM sa loob ng isang shopping mall sa Pampanga noong Mayo 15.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nasamsam mula sa dalawa ang tatlong data port cable para sa ATM card skimmer, isang small flat screw driver na ginagamit na pangsungkit sa mga ATM card, isang laptop na may nakakabit na software para sa decoding ng ATM account. Aaron Recuenco