Maliban sa hinihintay kung makukuwalipika ang kapwa 2-time Olympian na sina Marestella Torres ng athletics at Hidilyn Diaz ng weightlifting, hindi pa rin nakukumpleto ang listahan ng mga national sports association sa mga atletang mapapasama sa pambansang delegasyon sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.

Ito ang napag-alaman mismo sa binuong POC-PSC Asian Games Task Force kung saan ay hinihintay nila ang opisyal na kompirmasyon ng ilang NSA’s na hindi pa rin nakakapagsumite ng kanilang ebalwasyon at listahan base sa itinakdang deadline ng Philippine Olympic Committee (POC) noong Agosto 1.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“August 1 is actually a soft deadline for all the NSA’s to complete their official list. As usual, dahil alam nila sa August 15 pa ipapasa ang kumpletong listahan ng Philippine delegation ay last minute na naman sila magpapasa ng dapat nilang isumite,” sinabi ni Asian Games Secretariat member Queenie Evangelista.

Sakaling makapasa sina Torres at Diaz na sasailalim sa performance trial bukas, kabuuang 153 atleta ang inaasahang ipadadala ng bansa para sa pinal na akreditasyon sa Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC).

Huling nakapagsumite ng kanilang kumpletong dokumento ang archery habang hinihintay pa rin ng Task Force ang ilang NSA’s na ipasa ang kanilang pinal na listahan ng mga kuwalipikadong atleta bago ang itinakdang deadline ng IAGOC.

Sasabak ang Pilipinas sa 28 mula sa kabuuang 38 sports na paglalabanan kung saan ay hangad nilang malampasan ang naiuwing 4 ginto, 4 pilak at 9 tanso.

Maliban sa koponan ng basketball, aasahan ng Pilipinas ang wushu, taekwondo at boksing.