Nagpahayag ng suporta at inendorso pa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang ‘People’s Initiative’ na isinusulong ng mamamayan laban sa pork barrel system.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng CBCP, lahat ng hakbang na ginagawa ng mamamayan, basta moral, mapayapa at naaayon sa batas para sugpuin ang katiwalian at iresponsableng paggamit ng public funds, ay susuportahan ng Simbahan.

Sinabi ni Villegas na nakatanggap ang simbahan ng impormasyon na sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na nagsasaad na unconstitutional ang pork barrel funds, ay may mga pagtatangka pa rin na ipagpatuloy o mapanatili ang sistema ng pork barrel, sa pamamagitan ng appropriation ng lump sums sa 2015 national budget, sa ilalim ng ilang pretext o pagdadahilan.

“We choose to serve God and we cannot countenance the idolization of money, especially when it takes the form of unfettered access to the money of the people,” giit ni Villegas.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Ang People’s Initiative ay isang mekanismo na isinasaad sa 1987 Constitution, na rito pinapayagan ang mga rehistradong botante na direktang magpanukala ng batas, isang uri ng public empowerment, kung ang mga mambabatas ay tumangging mag-akda nito o magsulong ng katulad na panukala.

Sa ilalim ng Initiative and Referendum Law, kinakailangang ang proposed bill ay inendorso ng may 10 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa buong bansa.