Isang makabuluhang pagunita ang inihahatid ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Filipino: Ibayong paggamit at pagpapaunlad ng ating sariling wika. Ito ay nakatuon sa lahat, lalo na sa mga mapagkunwari na naghahangad na lumpuhin ang isang lengguwahe na ngayon ay ginagamit na sa buong bansa.

Katunayan, ang ating wika ay patuloy na umaani ng pagkilala sa iba’t ibang lahi sa daigdig; itinuturo ito sa mga dayuhang paaralan, lalo na sa mga lugar na pinamamayanan ng ating mga kababayan.

Nakalulungkot na sa kabila ng mga pagsisikap upang lalong palaganapin ang Filipino, ito ay mistulang nilulumpo ng ilang sektor. Hindi ko matiyak kung nagbago ng paninindigan ang Commission on Higher Education (CHED) subalit mahigpit na ipinatupad nito ang pagtapyas sa pagtuturo ng Filipino sa mga kolehiyo. Bilang bahagi ito ng implementasyon ng Revised General Education Curriculum na binalangkas ng naturang ahensiya ng gobyerno.

Hindi ko rin matiyak kung ang masalimuot na isyung ito – ang mahigpit namang tinutulan ng mga grupong mapagmahal sa wikang pambansa – ay nakarating na sa kaalaman ni Presidente Aquino. Kung magkagayon, natitiyak ko na ito ay hindi niya maiibigan. Hindi maikakaila ang kanyang pagpapahalaga sa ating sariling wika, tulad ng pagpapahalagang iniukol dito ng kanyang yumaong ina – si Pangulong Cory Aquino, ang icon of democracy, at ng iba pang naging Pangulo ng bansa.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Lalong hindi maikakaila na halos lahat ng talumpati ni Pangulong Aquino ay binibigkas at nasusulat sa Filipino. Sa lahat halos ng okasyon, buong pagmamalaki kung siya managalog. Nasaksihan ito kamakailan sa kanyang SONA.

Dahil dito, hindi marahil isang kalabisang himukin si Presidente Aquino upang ang paggunita sa wika ay isagawa araw-araw – mula Linggo ng Wika, Buwan ng Wika upang ito ay maging Taon ng Wika. Marapat lamang isapuso ito sa lahat ng pagkakataon sapagkat ito ang maituturing na barometro ng tunay na nasyonalismo o pagkamakabayan.