Mga laro ngayon: (MOA Arena)
2 p.m. Adamson vs UP
4 p.m. NU vs FEU
Muling masolo ang liderato sa pamamagitan ng pagpuntirya ng kanilang ikaanim na panalo ang target ng National University (NU) sa kanilang pagtutuos ng Far Eastern University (FEU) sa pagpapatuloy ngayon ng UAAP Season 77 basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Kasalukuyang kasalo ng Bulldogs sa pangingibabaw ang Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles na taglay ang barahang 5-1 (panalo-talo) kung saan ay hangad nilang kumalas sa ganap na alas-4:00 ng hapon sa pakikipagharap sa Tamaraws.a
Huling ginapi ng Bulldogs, ipinakitang puwede pa rin silang maging title contedner sa kabila ng pagkawala ng kanilang main men na sina Bobby Ray Parks at Emmanuel Mbe, ang season host University of the East (UE) noong nakaraang Agosto 3 sa iskor na 57-55.
Sa kabilang dako, galing naman sa kabiguan ang Tamaraws sa kanilang huling laro sa kamay ng Ateneo sa iskor na 78-71.
Kaya naman inaasahang maghahabol ang tropa ni coach Nash Racela upang makabawi at maibalik ang kanilang winning ways para makatabla sa ikalawang posisyon na kinaluluklukan ngayon ng defending champion De La Salle University (DLSU) na may isang panalong agwat sa kanila ng University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, ang kasalo nila sa ngayon sa ikatlong puwesto na hawak ang barahang 3-2 (panalo-talo).
Muli, sasandigan ni coach Eric Altamirano para sa kanilang misyon na makamit ang ikaanim na panalo ng NU ang nakaraang linggong Player of the Week na si Alfred Aroga, Gelo Alolino, Glen Khobuntin at Troy Rosario.
Sa kabilang dako, inaasahan namang mamumuno sa tangkang pagbalikwas ng FEU sina Mike Tolomia, Anthony Hargrove, Mark Belo, Carl Cruz , Roger Pogoy at Russel Escoto.
Samantala, sa unang laban, mag-uunahan namang makapagtala ng unang tagumpay ngayong taon ang tailenders at winless pa ring Adamson University (AdU) at University of the Philippines (UP).
Ayon kay UP team manager, siya ring team manager ng Philippine Azkals na si Dan Palami, balak nilang magdaos ng isang bonfire sa Diliman campus kapag nagawa ng Maroons na putulin na ang kanilang losing streak na umabot na sa 27 games magmula noong 2012.