Ateneo Amy Ahomiro for the kill against May Pantino of Cagayan Valley during the Shakeys V-League at the San Juan Arena.Ateneo won 25-21,22-25,17-25,25-19,15-9 (Bob Dungo,jr)

Matapos mabigo sa kanilang huling dalawang laro sa nakaraang eliminations na naging dahilan ng kanilang pagtatapos bilang pinakahuli at ikaanim na koponan papasok sa quarterfinals, nagposte ng dalawang sunod na panalo ang reigning UAAP women's volleyball champion na Ateneo de Manila sa ginaganap na Shakey's V-League Season 11 Open Conference.

Bunga ng nasabing panalo, nabuhay ang pag-asa ng Lady Eagles na makahabol pa sa huling slot papasok sa Final Four round matapos umangat sa barahang 4-5 (panalo-talo).

Tinalo ng Lady Eagles ang Philippine Air Force sa loob ng limang sets, sa kabila ng paglalaro ng una na mayroon lamang siyam na players, ilan dito ay wala pa sa tamang "figthing form" makaraang dumanas ng food poisoning noong nakaraang Miyerkules.

Metro

₱45 per kilong bigas, mabibili na sa NCR simula Nobyembre 11

Katunayan, atrasado na dumating ang koponan na pinangungunahan ni Alyssa Valdez, walong minuto na lamang ang nalalabi sa inilaaang warm-up period bago magsimula ang laro dahil galing pa sila sa klase habang ang ilan ay mayroong mid- term examinations ng hanggang alas-3:00 ng hapon.

Ngunit sa kabila ng mga nasabing problema at aberya, masayang naglaro pa rin ang Ateneo at nakuha pang talunin ang Raiders na nauna na silang tinalo sa nakaraang eliminations.

"Malaking tulong po talaga ‘yung positive attitude na na-instill sa amin ni coach Thai. Kaya kanina kahit ‘yung iba medyo mahilo-hilo pa rin at hindi pa talaga bumabalik ‘yung dating lakas ng katawan, e naglaro pa rin at nag-enjoy doon sa laban," pahayag ni Valdez.

Ayon kay Valdez, anim sa kanyang mga kakampi na kinabibilangan ni Michelle Morente na nakuha pang lumaro noong nakaraang Huwebes kontra sa Air Force ang isinugod sa ospital at doon nagpalipas ng magdamag matapos makaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka.

Bunga nito, puro light practice lamang ang kanilang ginawa bago sumabak kontra sa Air Force.

Ngunit dahil na rin sa turo ng kanilang Thailander coach na si Anosurn Bundit na mas tanyag sa tawag na coach Thai, halos hindi namalayan ng Lady Eagles na nakasabay sila sa laro sa mas beteranong koponan ng Raiders at nagawa pa nilang talunin dahil sa epekto ng kanilang sinusunod na motto na "Happy, Unity at Hearstrong”.