Apat na bayan na ang apektado ng forest fire sa Albay.
Kontrolado na ang pagliliyab sa mga kakahuyan sa mga bayan ng Sto. Domingo at Tiwi, habang patuloy na nilalamon ng apoy ang sa Manito at Bacacay.
Sa panayam kay Bacacay Bureau Of Fire Senior Officer II Wintrap Ras, sinabi niyang habang dumaraan ang mga oras ay pahirap nang pahirap ang pag-apula sa sunog dahil mas lumalaki ang lugar na nilalamon nito.
Hindi rin umano sapat ang ibinubugang tubig ng bambi bucket na isa sa paraan ngayon ng pamahalaang lokal para maapula ang nasabing sunog.
Kaugnay nito, may 100 pamilya na ang inilikas mula sa lugar na apektado ng forest fire na pansamantalang nakatira ngayon sa mga itinalagang evacuation center.
Halos ilang metro na lamang ang layo ng sunog sa mga residential area kaya naman doble na ang pag-aalala at takot ng mga residente.
Kaugnay din nito, nagsisibaba na rin ang mga hayop sa bundok dahil sa matinding sunog, gaya ng baboy ramo, unggoy, ahas at maging mga ibon.
Ang nasabing lugar ay isa sa matatagal nang santuwaryo ng mga hayop sa lalawigan.
Habang sa bayan ng Manito ay lumawak na rin umano ang nilalamon ng apoy at nadamay na ang mga itinanim na punongkahoy sa Cayabon Mountain at unti-unti na rin itong lumalapit sa BacMan Geothermal Production Field, na isa sa pangunahing power producer sa lalawigan.
Nakaabang na rin ang fire truck sa nasabing planta kung kinakailangan upang hindi umabot sa planta ang sunog.