Ibinunyag ni Maj Gen. Eduardo Año, Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) na buhay pa at nananatili sa bansa ang Malaysian leader ng teroristang grupong Jemaah Islamiyah (JI) na unang napaulat na napatay noong 2012.
Pebrero 2, 2012 sinasabing napatay si Zulkifli bin Hir, alyas “Marwan”, sa airstrike sa kuta ng mga Abu Sayyaf sa Sulu.
Ngunit ayon kay Año, nakatanggap sila ng mga impormasyon na buhay si Marwan at pakalat-kalat sa ngayon Cotabato.
Dagdag pa ni Año, may 10 hanggang 12 banyagang mga miyembro ng JI ang patuloy na nananatili sa bansa.
Inilabas ng ISAFP ang pahayag matapos ibulgar ng naarestong commander ng Abu Sayyaf na si Khair Mundos na buhay si Marwan at nananatili pa rin sa bansa.
Hunyo 11 nang maaresto si Mundos sa NAIA.
Ayon kay Año, bago pa man ang pagbubulgar ni Mundos ay lumalakas na ang natatangap nilang mga impormasyon hinggil kay Marwan.
Kasama si Marwan sa listahan ng mga most wanted terrorist ng Federal Bureau of Investigation (FBI) at may patong na $5 milyon sa ulo.
Sa pag-amin ng militar na buhay nga si Marwan, ibabalik ang pondo para madakip ang pinaniniwalaang isa sa pinakamataas na lider ng JI.