IBINALITA sa amin ni Gladys Reyes na may bago na naman siyang TV show. Pero hindi ito mapapanood sa GMA-7 na mother studio niya at hindi rin naman sa Net 25 na co-producer ng kanyang Moments kundi sa PTV 4 na government-owned station.
Pinayagan siya ng Kapuso Network dahil ang bagong TV show naman niya ay may kinalaman sa kanyang pagiging board member ng MTRCB. Sariling show ito ng naturang ahensiya.
Sabi ni Gladys, ang show na may titulong MTRCB Uncut ay ipapalabas na sa darating na Linggo, August 10, 8:00 PM. Infotainment daw ang programa na maglilibot at magsasagawa ng mga interbyu para alamin ang pulso ng mga tao tungkol sa TV at movie industry sa ngayon.
Bukod kay Gladys, main host din ng MTRCB Uncut ang kapwa board members niyang sina Bobby Andrews at Jackie Aquino. Makakasama rin nila ang isa pang board member na si Carmen Keats Musngi.
May portions silang “Pulso nina Juan at Juana,” “Kita-Keats,” at “Prangkahan”. Dito sa huli, may pagkakataon para sa no-holds barred discussions ang board members at mga guest o resource persons nila.
Excited si Gladys sa pagpayag ng kaibigan niyang si Ms. Judy Ann Santos bilang special celebrity segment guest sa “Klik kay Juan at kay Juana”. Samantala, mismong si MTRCB Chairman Toto Villareal ang sasagot sa mga ibabatong isyu sa kanila sa segment namang “I-share Mo Kay Chair”.