Ni Madel Sabater - Namit
Tiniyak ng Malacañang noong Miyerkules sa publiko na walang magaganap na cover up sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa diumano’y panunuhol ng mga Ampatuan sa kaso ng Maguindanao massacre.
Sinabi ni Presidential spokesperson Edwin Lacierda na inatasan na ni Justice Secretary Leila de Lima ang NBI na imbestigahan ang mga alegasyon ng panunuhol.
“That’s perfectly good for the NBI to do and investigate these allegations if they’re true,” ani Lacierda.
“Secretary of Justice Leila de Lima will not cover for anyone who is doing a wrongdoing and that’s why NBI is there to investigate all these allegations,” dagdag niya.
Sinabi ng isa sa mga private prosecutor sa Maguindanao massacre case na si Atty. Nena Santos, na inalok siya ng P300- million ng mga Ampatuan. Ayon kay Santos, tinanggihan niya ang suhol.
Naunang sinabi ng Malacañang na kumpiyansa ito sa matagumpay na prosecution ng Maguindanao massacre case.
Ang masaker sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 2009 ay pumatay ng 57 sibilyan, kabilang na ang 32 mamamahayag.