TARLAC CITY— Inihayag ni Bulacan Tourism and Convention Visitors Board (BTCVB) President Reynaldo Naguit na inilunsad na nila Integrated Tour Package na naglalayong lumikha ng maraming trabaho at oportunidad sa hanapbuhay.
Aniya, nilalaman nito hindi lamang ang simbahan ng Barasoain sa Malolos kundi maging ang pagsaksi sa mga pamanang kultura, kalinangan, at kasaysayan ng lalawigan.
Kabilang na rito ang pagpunta sa tindahan ng pamosong ensaymadang Malolos at inipit gayundin ang pagawaan ng longganisa sa Calumpit.
Pinaplano ring maglagay ng pasalubong center sa mismong patio ng Barasoain.
Kasama rin sa package ang pagtuturo sa mga turista ng pagkayas ng kawayan na ginagawang arko ng Singkaban, paggawa ng Puni o isang sining sa dahon na nagsisilbing dekorasyon sa lamesa sa isang piging bilang alternatibo sa sariwang bulaklak, at ang paggawa ng Borias o pabalat ng Pastilyas na nilalakipan ng sining kung saan ang disenyo ay ibinabatay sa uri ng okasyon.
Ipapatikim din ang Gurgurya, Pinasok at Kurbata de Sebo na pawang mga putaheng natutunan ng mga Kababaihan ng Malolos nang sila’y magtamo ng edukasyon partikular na sa larangan ng kulinarya.