Dumating na sa Spain ang national men’s basketball team, mas kilala bilang Gilas Pilipinas, matapos ang kanilang isinagawang dalawang linggong training camp sa Miami upang doon naman ipagpatuloy ang kanilang paghahanda para sa darating na FIBA World Cup na magsisimula sa Agosto 30.
Inihayag ng mga miyembro ng Gilas Pilipinas, sa pangunguna ni national mentor Chot Reyes, ang kanilang pagdating sa kapitolyo ng Spain –ang Madrid - sa pamamagitan ng kanilang mga Twitter account.
Batay na rin sa kanilang mga “tweets”, karamihan sa mga miyembro ng koponan ay nanood ng mga tape ng iba’t ibang mga laro ng Gilas habang naglalakbay patungo sa Spain, kabilang na rito ang kanilang naturalized center na si Andray Blatche na ipinoste pa ang larawan habang pinanonood ni Reyes.
Nakatakdang sumabak ang Gilas sa iba pang tune-up matches sa Spain para sa huling bahagi ng kanilang paghahanda para sa FIBA World Cup.
Kabilang ang mga Pinoy sa Group C ng torneo kung saan ay kanilang kagrupo at makakasagupa ang mga koponan ng Argentina, Puerto Rico, Greece, Croatia at Senegal.
Ito ang unang pagkakataon na sasalang ang mga Pinoy sa World Cup makaraan ang 40 taon.