Magkakasamang dumulog sa Korte Suprema ang mga kawani ng Hudikatura, Ehekutibo, Lehislatura at opisyal ng mga lokal na pamahalaan para kuwestiyunin ang isang regulasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagpapataw ng buwis sa allowance at fringe benefit ng mga kawani ng gobyerno.
Suot ang kulay pula at itim na mga damit, nagsagawa ang mga ito ng pagkilos sa harapan ng Korte Suprema sa Padre Faura kasabay ng paghahain ng petisyon.
Kasama sa mga nakiisa sa protesta ang COURAGE, Judiciary Employees Association, Association of Court of Appeals Employees, Water System Employees Response Social Welfare Employees Association of the Philippines, at mga unyon ng mga manggagawa sa DAR, DTI at National Housing Authority.
Sa kanilang petition for certiorari and mandamus, hiniling nila na pigilan ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng BIR Revenue Memorandum Order 23-2014.
Giit ng mga petitioner, ilegal na kaltasan ng buwis ang kanilang allowance kaya dapat mapawalang bisa ang kinukuwestiyong BIR memorandum, at dapat din umanong obligahin ang Department of Finance (DoF) at BIR na itaas ang P30,000 ceiling na itinakda sa memo.
Ang P30,000 ceiling ay noon pang 1997 ipinatupad at ang halagang ito sa kasalukuyan ay napakaliit na bunsod ng inflation rate.
Naniniwala ang mga petitioner na dagdag-pasanin ang inisyung memorandum ng BIR lalo na sa kanilang ordinaryong manggagawa at hindi ito patas dahil ang mga malalaking negosyante na binibigyan ng tax incentive.