NABUHAY na naman ang kudeta. Ayon kay Sen. Trillanes, mga retiradong sundalo ang nagpaplano nitong bantang pagpapabagsak sa administrasyong Aquino. Hindi naman totoo ito, wika ng mga dating sundalo na ngayon ay mambabatas na tulad ni Trillanes. Mataas pa rin anila ang pananalig ng taumbayan kay Pangulong Noynoy. Ang kudeta raw ay nagkakaroon lang ng ugat kung ang mamamayan ay wala nang pagmamahal sa kanilang gobyerno. Totoo man ito o hindi, hindi katanggap-tanggap sa atin ang kudeta. Panggulo lamang ito lalo na kung saan-saan na nanggagaling ang batikos laban sa gobyerno na siyang nagaganap ngayon.
Sa totoo lang, hindi kudeta ang nagbabanta sa katatagan ng gobyerno. Hindi nila napatakbo ang gobyerno ayon sa kapakanang ng nakararami. Dahil dito, iba’t ibang sektor na ang may sari-sariling reklamo sa gobyerno. Noong una, hiwa-hiwalay nilang isinasagawa ang kanilang hinaing para mapakinggan sila. Ang naunang nasa kalye at hindi nagsawang gawin ilabas ang hinaing nila sa gobyerno ay ang mga jeepney driver. Inereklamo nila ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Ibasura ninyo ang Oil Deregulation Law, wika nila. Inalis kasi ng gobyerno ang kontrol nito sa mga kompanya ng langis kaya malaya silang magpresyo ng kanilang produkto ayon sa kasakiman nilang magkamal ng tubo.
Ang naging bunga nito ay nagtaasan ang presyo ng mga bilihin at pangunahing serbisyo. Tumindi ang kahirapan. Hindi ko na alam kung sino at anong grupo ang sumunod na nagprotesta dahil nandyan na ang mga dukhang taga-lungsod na ikinagalit ang paggiba ng kanilang mga tahanan; mga kabataan at estudyante na hindi na makapag-aral dahil pataas nang pataas ang tuition fees; mga guro na humihingi ng umento; at, iyong “One Million March” ng taumbayan na sobra ang galit dahil sa bilyun-bilyong pisong nawala sa kaban ng bayan sanhi ng kutsabahan ng mga mambabatas at nila Napoles. Itong huli, sa SONA ng Pangulo, nagkaisa na ang mga ito at sinaniban sila ng napakalaking grupo ng mga magsasaka na biktima ng cocolisap, iniportasyon ng bigas, bawang, sibuyas at iba pa.
Hindi kudeta ang dapat ikakabahala ng gobyerno kundi grupong nagpakita na ng kanyang puwersa sa panahon ng SONA. Lolobo pa ito at lalakas dahil sa kahirapan at kagutuman.