Pinawalang sala ng Court of Appeals (CA) ang 17 pulis na kinasuhan kaugnay sa pagkamatay ng 16 katao, kabilang ang isang 7-anyos na babae, bilang resulta ng madugong shootout sa Parañaque matapos tamaan ng ligaw na bala noong 2008.
Sa isang 10-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Socorro Inting, ibinasura ng Special Seventh Division ng CA ang petisyon ni Lilian de Vera na humiling sa appellate court na baligtarin ang unang desisyon ng Parañaque Regional Trial Court (RTC) Branch 260 na nagpapawalang sala sa 17 tauhan ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF) sa pagkamatay ng kanyang asawa na si Alfonso “Jun” de Vera at 7-anyos na anak na si Lia.
Kabilang sa mga PNP-SAF member na inabsuwelto ay sina Supt. Jonathan Calixto, Chief Insp. Hermogenes Cabe, Insp. Abraham Abayari, Insp. Erikson Roranes, Insp. Ludivico Cordova, PO1 James Yodong, PO1 Allan Apil, PO1 Efren Angcuan, PO1 Lloyd Bulayungan, PO1 Nemesio Gano, PO3 Hagar Torres, PO3 Jericho Otaboy, PO3 Guilbert Lopez, PO3 Felix Base, PO3 Eugene Papatew, PO3 Policarpio Jose, Jr. at PO1 Sherwin Maybanting.
Kinatigan ng appellate court ang unang desisyon ni Judge Guray ng Parañaque RTC na nagsabing bigo ang prosekusyon na magpakita ng sapat na ebidensiya na magdidiin sa alegasyon ng kutsabahan mga miyembro ng SAF at Highway Patrol Group sa nangyaring shootout.
Bigo rin ang mga testigong sina Ronaldo Castillo at Hilario Indiana na ituro ang nakabaril sa mag-amang De Vera.
Matatandaan na napatay ang magamang De Vera nang tamaan ng ligaw na bala sa engkuwentro ng mga tauhan ng PNP-SAF at Waray-Waray robbery group sa United Parañaque Subdivision IV sa Paranaque noong Disyembre 5, 2008. - Leonardo D. Postrado