Binitbit ng 62-anyos na si Asia’s First GM Eugene Torre at ang 16-anyos na si Paolo Bersamina, ang pinakabatang manlalaro, sa panalo ang kampanya ng Philippine Men’s Team kontra sa Finland, 2.5-1.5, sa ikaapat na round upang muling mabuhay sa ginaganap na 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway.

Bumuwelta ang 52nd seed na Pilipinas sa nalasap na kabiguan kontra sa 2nd seed na Ukraine matapos na agad itala ni Torre (2438), nasa kanyang rekord na ika-22 beses na paglahok sa kada dalawang taong torneo, ang krusyal na panalo kontra kay IM Mikael Agopov (2431) sa Board 3.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ito ay matapos na mabigo si GM Julio Catalino Sadorra (2590) sa Board 1 kontra kay GM Tomi Nyback (2591) na sinundan ng pakikipaghatian sa puntos ni GM John Paul Gomez (2526) kay IM Mika Karttunen (2437) upang unang maiwanan ang Pilipinas sa ½ -1 ½ iskor.

Inangat ni Torre ang Pilipinas sa pag-abante matapos na hablutin ang kanyang kabuuang ikaapat na puntos sa limang laro bago na muling isinalba ng 2-time NCAA Juniors Chess MVP na si Bersamina ang koponan tungo sa maigting na panalo kontra kay IM Vikla Sipila sa Board 4.

Susunod na makakasagupa ng Pilipinas, nakatipon ng kabuuang 9.0 puntos para sa ika-57 puwesto, ang 50th seed na Chile na may 10.5 puntos.

Ang Chile ay binubuo nina GM Rodrigo Vasquez Schroeder (2533), GM Mauricio Flores Rios (2537), IM Cristobal Henriquez Villagra (2457), IM Luis Valenzuela Fuentealba (2455) at FM Pablo Salinas Herrera (2398).

Matapos na manggulat sa pakikipagtabla sa 8th seed na Poland ay nakalasap ng kabiguan ang 4th seed PH Women’s Team matapos na walisin ng 11th seed na Spain, 0-4.

Nabigo si WIM Chardine Cheradee Camacho (2214) kontra kay IM Sabrina Vega Gutierrez (2395) na sinundan ni WFM Janelle Mae Frayna (2205) laban kay IM Olga Alexandrova (2424).

Hindi rin nasustenahan ni Jan Jodilyn Fronda (2098) ang laban matapos na mabigo kay IM Ana Matnadze (2385) bago huling nakatikim ng kamalasan si Christy Lamiel Bernales (2055) kay WIM Amalia Aranaz Murillo (2314).

Susunod na makakasagupa ng PH Women’s Team, nanatili sa 9.5 puntos, ang 14th seed na Bulgaria na may kabuuang 11 puntos.

Ang Bulgaria ay binubuo nina GM Antoaneta Stefanova (2505), WGM Iva Videnova (2342), WGM Adriana Nikolova (2325), WGM Emilia Djingarova (2303) at WGM Margarita Voiska (2279).