Umiiral yata ang taggutom sa ilang bahagi ng ating bansa. Na pati ang mga hayop na karaniwang pinadidirihan natin ay kinakain na. Noon ay napabalita na kinakain na ang palaka. May ilang lalawigan, tulad ng Cavite, ay kinakain ang isang uri lamang ng palaka. Masarap daw ito, lasang manok. May ilang lalawigan naman ang kinakain ang uod at tipaklong. Masarap na ulam daw. Napanood ko rin sa TV noon ang panghuhuli ng daga sa bukid, binabalatan ito at inaadobo. Masarap na ulam din daw, lasang karneng baboy o manok, depende sa pagkakaluto.

Pero hindi mo ako mapakakain ng mga iyon. Ang patakaran ko sa buhay, kung hindi inihahain ni Inay at ng aking lola, hindi ko kakainin.

Ngunit may nag-ulat na kumain ang dalawang magsasaka sa Bgy. San Fernando Sur sa Nueva Ecija ng karne ng daga mula sa bukid. Masarap daw kaysa manok. Nakatulong daw iyon bilang pantawid gutom sapagkat maliit lamang ang kanilang kinikita sa pagsasaka. Nakatutulong din sila kontra sa peste ng bukirin. Ayon sa dalawang magsasaka, wala pa namang nagkakasakit sa kanila. Gayunman, ginawa na itong kumikitang kabuhayan ng naturang magsasaka at “kinakagat” na ng kanilang mga kalalawigan.

Ayon kay Dr. Benjamin Lopez, Provincial Health 0fficer ng lalawigan, na hindi naman masama ang pagkain ng karne ng daga basta linisin lamang mabuti at maayos ang pagkakaluto.

Metro

₱45 per kilong bigas, mabibili na sa NCR simula Nobyembre 11

Kung iisipin mo, ano nga ba ang kinakain ng dagang bukid? Ang pananim tulad ng palay, mais, mga ugat, at iba pang gulay. Sa ibang salita, malinis. Pero may iba pang sangkap sa diet ng dagang bukid bukod pa sa mga nabanggit... iyon ang hindi natin alam dahil kahit ano kakainin ng daga. Sa ibang salita, marumi.

Tayo ang responsable sa ating kinakain. Ang mabuti kay Juan ay maaaring masama naman kay Pedro. Sapagkat wala namang batas na nagbabawal sa pagkain ng karne ng daga o ng anumang hayop na itinuring na exotic (ahas, aso, matsing, pagong, atbp.) hindi hinihimok ng gobyerno o ng ano mang institusyon ang pagkain ng mga iyon. Gayon man, tulad ng iba pang di pangkaraniwang pagkain, kailangan ang ibayong pag-iingat.