Isinumite na kay Pangulong Benigno S. Aquino III ni Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery Panfilo Lacson ang isang master plan para sa rehabilitasyon ng malawak na lugar na sinalanta ng super-typhoon Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Ito marahil ang unang pagkakataon na inihanda ang isang komprehensibong programa para sa kahit na anong bahagi ng bansa matapos ang isang kalamidad, ngunit ito ang unang pagkakataon na ang isang bagyong tulad ni Yolanda ang tumama sa bansa. Sa totoo lang, si Yolanda (na may international name na Haiyan) ang pinakamalakas na bagyo na tumama sa daigdig.

Hinagupit ni Yolanda ang Visayas sa hanging may lakas na 275 kilometeters per hour (kph). Nagkaroon na tayo ng mga mapinsalang bagyo bago pa itong Yolanda, ngunit nasa pagitan lamang iyon ng 120 hanggang 180 kph, ang lakas kung kaya itinaas ng PAGASA ang typhoon signal sa 3. Kakaiba itong si Yolanda, na may center winds na 315 kph na bumubugsu-bugso sa 378 kph.

Gayunman, mayroon pa ring kumpiyansa ang ating mga kababayang nasa landas ng bagyo na makakaya nila ang malalakas na hangin. Ang hindi nila napaghandaan, kasi nga hindi kailanman nangyari pa, ay ang storm surge na natulak sa tubig-dagat na umapaw ng mahigit dalawang palapag ang taas, na lumagos sa mga komunidad na nasa baybayin at sa gitna ng lupa na hindi pa naaabot ng dagat kailanman. Kararanas pa lamang ng Japan noon ng tsunami na kasunod ng malakas na lindol. Sa teknikalidad, ang storm surge na tumama sa Tacloban City at sa iba pang lugar sa Eastern Visayas ay hindi isang tsunami, hindi ito resulta ng undersea earthquake o pagsabog ng bulkan, kundi nagkaroon ito ng mapaminsalang epekto. Libu-libong katao ang handa sa malalakas na hangin; ang hindi nila napaghandaan ay ang pag-apaw ng tubig na lumamon sa maraming komunidad at tumangay ng libu-libong katao pagbalik nito sa dagat.

Pagkaraan ng ilang buwan ng pag-aaral, nakumpleto ni Lacson at ng kanyang grupo ang isang P170.9 bilyong Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan na may apat na sektor - resettlement, P75.6 bilyon; infrastructure, P35.1 bilyon; livelihood, P33.6 bilyon; at social services, P26.4 bilyon. Kabilang din ang P98 bilyong pondo para sa Tacloban City, Cebu, Iloilo, Eastern Samar, at Leyte na dati nang inaprubahan ng Pangulo.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Naglaan na rin ang Department of Budget and Management (DBM) ng may P137 bilyon mula sa 2014 national budget at ang balanse na P33 bilyon ay magmula sa panukalang 2015 budget. Ang implementasyon ng ilang bahagi ng master plan ay nasa kamay na ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, lalo na ang Department of Social Welfare and Development, ang Department of Public Works and Highways, ang Department of Agriculture, at ang mga lokal na pamahalaan.

Ngayong nakumpleto na niya ang kanyang orihinal na assignment, tinanong ni Lacson ang Pangulo kung ano pang serbisyo ang maaari niyang ibigay. Mas mainam pa sa Pangulo na pag-isipan ang mga mungkahi na subaybayan ni Lacson ang mga pagsisikap ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, ang makita niya ang pagpupuno ng mga posibleng pagkukulang sa pagpapatupad ng mga programa ng mga ito. Si Lacson, na kilala sa pagiging isang matapat na tagapagpatupad ng batas noong hepe pa siya ng Philippine National Police, ay maaaring hilingin na bantayan niya ang implementasyon ng mga proyekto upang matiyak na bawat piso ng bilyun-bilyong pondo na nakalaan sa master plan ay matapat na magagamit.