HINDI nag-aksaya ng panahon ang bagong U. N. Women Goodwill Ambassador, agad niyang sinimulan ang kanyang trabaho.
Sumali si Emma Watson sa mahabang listahan ng kababaihan na galit sa pahayag kamakailan ng isang Turkish politician na nagsasabing hindi dapat tumawa sa mga pampublikong lugar ang kababaihan.
Mariing nagpahayag si Turkey Deputy Prime Minister Bulent Arinc noong Hulyo 28 sa talamak na “moral corruption” sa Turkey -- na isa sa mga nakapag-aambag ang pagpapakita ng kababaihan ng kanilang kaligayahan sa publiko.
“A woman should be chaste. She should know the difference between public and private. She should not laugh in public,” sabi ni Arinc. “Where are our girls, who slightly blush, lower their heads and turn their eyes away when we look at their face, becoming the symbol of chastity?” ulat ng Hurriyet Daily News.
Ang mga komento ni Arinc ay sinalubong ng malawakang pambubuska, at bumaling ang kababaihang Turkish sa Twitter upang ibahagi ang kanilang mga litrato na nakikisangkot sa sinasabing “moral corruption.”
Tinuligsa rin ng opposistion presidential candidate na si Ekmeleddin Ihsanoglu ang pahayag ni Arinc, sa tweet na: “If there’s one thing we need it’s the hearty laughter of women.”
Walang dudang sasang-ayon dito si Hermione. - The Huffington Post