Kahit si Pnoy, hindi maaaring makalusot sa kanyang patakaran na bawal ang “Utak wang-wang” at pagpapatupad sa “Tuwid na daan” dahil “Kayo ang boss ko”. Sa biro na may halong patama ni Joey de Leon ng “Eat Bulaga”, nasulat sa kanyang kasuotan – “PNoy is not above Dilaw”. Mahalagang balikan ang mismong mga pangako ng pangulo noong una siyang nagtalumpati sa Quirino Grandstand. Malinaw ang tatlong alituntunin na kanyang inukit sa pambansang kamalayan.

Kaya, kahit siya pa ang taga-patnugot at pangulo ng bansa, hindi maaring basta ibalato na lang natin sa kanya ang ano mang sablay, kapag nagkataong pumalpak din siya sa nasabing pamantayan ng pamamalakad sa gobierno.

Magugunita, ang pinapatukuyan ni PNoy sa “Utak wang-wang” ay opisyales na gumagamit ng kapangyarihan upang gawing dahilan, o higit ay karapatan, ang ma-una, makasingit, mang-lamang, mapatupad ang nais na maka-isa ng kapwa at sambayanan. Ang “Tuwid na daan” ay kautusan ng konsiensia upang ipanday sa proseso ng pamahalaan ang paggalang kasabay pagsunod sa batas. Puntirya nito ang mahigpit na pagbabawal sa katiwalian at pangungulimbat. Dahil nga sa pananaw ni PNoy na siya ay naninilbihan, kaya tayo ang kanyang “amo”. Ang tanong ngayon: (1) Utak Wang-wang ba ang umiral nang gamitin ang DAP, bilang pabuya sa mga Mambabatas, upang mapatalsik si dating Chief Justice Renato Corona? (2) Tuwid na daan ba ang paglikom sa DAP? Palusot nila, “magandang hangarin” para mapabilis ang programa at proyekto sa bayan. Tanong-- Ginamit ba ang DAP sa agarang kabutihan sa unang linggo para sa mga nasalanta ng Yolanda? Hindi. (3) Kung tayo ang “Boss” dapat batid ni PNoy, tutol tayo na pati siya may “Pork barrel, Lump sum, Discretionary Fund”.

Sa ngayon, ang pondahan sa Kongreso ay baguhin ang ibig sabihin ng “savings” sa Pambansang Gugulin (GAA). Dito kasi nagkatalo ang Korte Suprema at si PNoy, na ang huli, sumablay sa DAP. Ako ang mangunang maglahad, na kung nais ng sambayanan marendahan si PNoy at Kongreso sa limpak-limpak na salaping tumatagas sa Palasyo, mas importanteng tutukan ang Art. VI Sec 27 ng Konstitusyon, at bigyan pakahulugan ang salitang “appropriation”. Ito, upang malimitahan at maging klaro sa bayan ang bawa’t piso na matitiyak na ginagastos ng ating gobierno.
National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa